NAG IISANG IKAW

NI ESPERANZA . G. DE LEON

MASTER TEACHER CITY OF BALANGA NATIONAL HIGH SCHOOL

Tahanan ang nagsisilbing silungan ng isang pamilya na kung saan ang ama’t ina ay nagbubuklod upang kanlungan ang mga anak sa anumang kapahamakan, nagbibigay liwanag sa tahanan at haligi na nagpapatibay ng isang samahan, wala na sigurong hihigit pa sa pagkakaroon ng isang masaya, simple at tahimik na pamilya, ngunit paano kung ang mga nagsisilbing gabay ay maging mabuway at patuluyang mabuwal? Paano ang mga anak na sa kanila humihingi ng patnubay? Paano mo itataguyod bilang nag iisang ikaw ang lahat ng responsibilidad nasayo ay nakaatang? Paano mo sisinupin at aayusin ang mga anak na sayo lamang umaasa? Kay daming tanong saking isipan, na hinahanapan ko ng kasagutan. Dasal ko sa Diyos ako ay gabayan sa lahat ng pagsubok na aking mapagdaanan.

Mga gabing di makatulog dahil ang tanging iniisip, paano ang bukas? Paano kung? Hay! Kayhirap mag isip! Tanging hiling sa Diyos na ako ay pagtibayin upang harapin ang lahat ng pagsubok na darating sa akin. Ngunit ang lahat ng mga ito ay aking napagtagumpayan, bagamat mahirap na suklian at pantayan bilang isang ina ang gampanin ng dapat sana ay haligi ng tahanan. Alam kong kahit kaylan di ko maaaring palitan ang isang ama sa tahanan, ngunit lahat ay aking gagawin upang ang iyong kakulangan ay aking matugunan.

“ Naytay” kung ako ay tagurian, salitang sa pandinig ay kung ano lamang, ngunit ito ay salitang may malalim na kahulugan kung saan ang bigat ng responsibilidad sa balikat ko nakadagan. Hindi ako perpekto at may mga kakulangan ngunit alam ko sa patnubay ng Diyos ito’y mapag tatagumpayan. Tayong mga magulang isa lang ang nais, mga anak na minamahal, kayo ay mapabuti. Ang iyong landas na tatahakin sana ay marating at lahat ng mga payo iyong baunin. Marami tayong mga pagsubok sa buhay, at isa na nga dito ay ang suliranin sa pamilya. Higit kaninuman mga magulang ang dapat sana sa mga anak ay gumabay, masakit tanggapin na sana ang ama ang dapat katuwang sa nalilihis ng landas at bumubuhay.

Gayun pa man pasalamatan natin ang mga magulang na patuloy pa ring gumagabay, sa mga anak, sila ay pumapatnubay, hindi biro ang maging magulang dahil ito ay responsibilidad na walang katapusan. Walang kapantay na halaga o ano pa mang materyal na bagay. Nais ko lamang sabihin na walang magulang na ang gusto ay nag iisa o magkaroon ng maraming pagsubok sa pamilya, at ang tanging hiling nila ang ina’t ama magkabuklod at magkasma. Sa mga panahon na tayo ay pinanghihinaan ng loob, nawawalan ng pag asa, huwag nating kalimutan ang Diyos ay nagmamasid at nakagabay pa. Hindi niya hahayaang tayo ay mapahamak at mga suliranin ay sosolusyunan niya, nais niya lang na tayo ay tumawag at manalig sa kanya. Ikaw na magulang ang gagabayan, papalakasin at hahaplusin niya. Nag iisang ikaw! Isa kang uliran kung tagurian. Dakilang Ina kang matuturingan!