K to 12 Act ng DepEd, Pirmado na ni Pangulong Aquino
Post date: Sep 4, 2013 8:47:19 AM
ni Lorena L. Gaza
"Mulat po tayo sa mga kakulangan ng kinalakihan nating ten-year basic education cycle. Bukod sa lugi ang ating mga mag-aaral sa bilang ng taon para lubusang maunawaan ang kanilang mga leksyon, puwersado pa silang makipagkumpetensya sa mga graduate mula sa ibang bansa na hindi hamak na mas matagal at mas malalim ang naging pagsasanay. Kung sa basic education pa lang, dehado na ang ating kabataan, paano pa sila makikipagsabayan para sa empleyo at ibang mas mataas na larangan?"
Ito ang mga katagang isinaad ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III matapos niyang pormal na lagdaan noong ika-15 ng Mayo, 2013. ang Enhanced Basic Education Act of 2013 o K-12 Act ng Department of Education (DepEd) na siyang magpapatupad sa K-12 Basic Edeucation Program.
Sa nasabing batas, labindalawang(12) taon na ang gugugulin ng mga mag-aaral upang matamo ang basic education dahil madadagdagan ng dalawang(2) taon ang high school, kung saan tatawagin itong Senior high school(Grade 11 hanggang Grade 12) at ang dating apat(4) na taong pag-aaral mula Grade 7 hanggang Grade 10 ay siyang ituturing na Junior high school.
Dagdag pa ni Pangulong Aquino, mas mapapalalim ang kaalaman ng mga mag-aaral dahil pagtutuunan sa nabanggit na programa ang paglinang sa mga asignaturang Filipino, Ingles, Matematika at Agham upang magawang makipagsabayan ng mga nakapagtapos natin sa mga taga-ibang bansa.
Kaugnay pa nito, ang programang ito ay naglalayong masanay at mahasa ang mga mag-aaral sa kindergarten hanggang sa unang tatlong baitang ng elementarya sa paggamit ng katutubong diyalekto o Regional language batay sa Mother Tongue-Based Education ng nabanggit na programa.
Samantala, batay sa panukala, DepEd ang siyang magsasagawa ng Mother Language Transition Program mula sa ikaapat hanggang ikaanim na baitang upang ang mga asignaturang Filipino at Ingles ay unti-unting maipakilala bilang mga lenggwaheng-panturo hanggang sa dumating ang panahong ang dalawang lenggwahe ay magiging pangunahing lenggwahe sa pagtuturo sa sekundarya.
Inaasahang magtatapos sa Marso 2018 ang unang grupo ng mga mag-aaral na makakakumpleto ng K to 12 Basic Education Curriculum sa ilalim ng nasabing batas.