Naniniwala Ako

Post date: Dec 3, 2015 2:08:33 AM

Elsa P. Camingal

MT-I

Bataan National High School

“ Sa pamamagitan ng kapirasong yeso at isang pisara, patuloy akong tutugon sa tawag ng aking tungkulin”.

Minsan may nagtanong sa akin kung bakit mas pinili ko ang maging isang guro marami naman daw kasing ibang propesyon na mas malaki ang sahod. Totoo. Mayroon ibang propesyon na mas mabilis ang pasok ng pera. Mas mabilis ang pag-angat ng buhay, mas madaling yumaman. Walang pera sa pagtuturo sabi nga nila. Hindi ko rin alam kung bakit pero naniniwala ako na higit akong mayaman kaysa sa kanila. Marahil iniisip mo ngayon na hambog ako pero mas akma yata ang salitang hibang. Hibang nga siguro ako.

Sa tagal nang inilagi ko rito sa mundo masasabi kong nakita ko na ang iba’t ibang mukha ng buhay. Isa ako sa mga magpapatunay na mahalaga ang pera at yaman sa mundo nguni’t sa paglubog ng haring araw sa kanluran, hindi ang mga bagay na ito ang mag-iiwan ng pilas nang ngiti sa ating mga labi.

Sa araw-araw na pagpasok ko sa eskwelahang aking pinagsisilbihan marami akong nakakasalamuha, iba’t ibang tao at iba’t ibang uri ng mag-aaral. Mayroong mayaman nguni’t hindi naman buo ang pamilya, mayroong kumpleto ang pamilya nguni’t wala namang pagkain sa ibabaw ng mesa. May mahiyain, masayahin, kwela at hindi nawawala ‘yung mga tipong tila nabubuhay sa sarili nilang mundo. Hindi man pareho-pareho ang personalidad na mayroon sila pero maniwala ka, sila ang bumubuo sa isang masaya at di malilimutang ikalawang pamilya na mayroon ako. Dahil sa kanila, patuloy akong natututo.

Hindi lang naman kaming mga guro ang nagtuturo ng mga aralin, estudyante pa rin kami na patuloy na natututo mula sa mga aral ng buhay. Patuloy kaming tumutuklas ng mga kasaysayang unti-unti palang inililimbag. Nakakapagod pero masaya ang maging isang guro. Ang propesyon na kaya mong ibigay ang sarili mo nang buong-buo.

Sa tuwing pumapasok ako, bukod sa lesson plan, test papers at class record bitbit ko rin ang dalawa pang bagay, Pag-asa at Pangarap.

Sabi nila patay raw ang taong hindi marunong mangarap kaya naman patuloy akong nangangarap para sa aking mga estudyante na mararating nila ang kani-kanilang mga pangarap sa buhay. Totoo, iba ‘yung saya sa aming mga guro sa tuwing nakikita naming na umaakyat sa entablado ang aming mga pangalawang anak upang kunin ang kanilang diploma. Nguni’t mas doble ang aming ngiti sa tuwing nababalitaan namin na naging matagumpay sila sa karerang kanilang pinili.

Gayunpaman, hindi rin nawawala ang pag-asa ko na makalimot ang kanilang isipan, hindi nakakalimot ang puso. Hindi para sa akin nguni’t para sa bayan. Umaasa akong ang paglilingkod na aming ibinigay sa kanila ay ibabalik nila sa bayan nang buong katapatan

Hindi malaki ang sweldo ng isang guro. Nakakapagod. Pero hindi mapapantayan ng anumang halaga ang kaalaman, karanasan at ang pag-ibig na patuloy naming nakukuha mula sa pagseserbisyo sa aming mga mag-aaral at pati na rin sa bayan. Patuloy akong maniniwala na ang kapirasong yeso at isang pisara ay hindi kailanman kayang tapatan ng anumang klase ng ginto at pilak. Naniniwala akong mayaman ako o kaming mga guro higit kaninuman hindi ito kahibangan.