Kababaang Loob
Isinulat ni : Sheila M. Corpuz
T-III ng M.Delos Reyes Mem.Elem. Sch.
Date posted: February 20, 2020 | 1:53 PMSa mundong ating kinabibilangan hindi madali ang makisalamuha sa ibat-ibang uri ng tao. May mga makikilala ka na magiging parte na ng buhay mo, mayroong makakaalala at mayroon ding makakalimot. Madalas ang nakakalimot ay silang mga nasa rurok na ng tagumpay o sabihin na nating nasa pedestal ng buhay. Para sa kanila na biniyayaan ng kapangyarihan ngunit nalimutan na kung ano sila dati. Sa kagustuhang maging magaling subalit nalimutang maging mabuti. Ano ang silbi ng iyong katanyagan kung sa mata ng tao higit sa lahat sa mata ng Diyos kung ang iyong puso at isipan ay binalot ng isang pagmamalaki. Sa mga pagkakataong ipinapakita at ipinararamdam ng kapwa mo na ikaw ay hanggang dito lang at siya naman ay doon, binigyan mo ng bakod ang mga kamay na dapat sana’y ikaw ang umaabot. Ang bawat isa sa atin ay walang dapat ipagmalaki dahil gaano ka man katalino o katalento ang lahat ng iyan ay galing sa awa at biyaya ng Poong Maykapal.
Hindi lingid sa atin, na ang pamantayan ng tao ay kung ano ang panlabas na nakikita at nadidinig, kakisigan, kayamanan at kapangyarihan ngunit ang kanilang kalooban ay nababalot ng pait at may kadiliman. Sa panahon ngayon bilang na lamang sa ating mga daliri ang mga taong marunong magpakumbaba. Ang kababaang loob ay kung paano mo titignan ang iyong sarili at tamang pakikisalamuha sa iba, nakakatanggap ng papuri at pagkilala sa tao na simple lang at walang halong pagkukunwari. Ang pagpapakumbaba ay nagdudulot ng kapayapaan at pag-iibigan, hindi bat’ mas masarap magtrabaho at mabuhay kung ganito sana ang lahat ng tao.
Hindi nasusukat ang tunay na pagkatao sa kung ano ang kayang niyang gawin, sa kung paano siya kahusay magsalita, at sa gaano kalayo ang kaniyang narating. Ang tao ay dapat na nanatiling mapagkumbaba dahil sa dulo ang Diyos pa rin ang huhusga sa kung ano ang mga nagawa niya sa lupa. Sa puntong ito nais ko lamang ibahagi, bilang guro tayo ay kaagapay ng lipunan upang humubog ng kagandahang asal ng bawat kabataan. Kung kayat dapat, maging isang magandang ehemplo nawa sa kapwa. Itapon ang mga di magagandang nakikita natin sa mga namumuno at pulutin ang mga makabuluhang bagay na makatutulong upang mapaunlad ang kagandahang loob. Sabi sa James 3:13 “ Sino ang marunong at matalino sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting kabuhayan ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan”.