Bahaghari

Post date: Mar 28, 2017 12:37:10 PM

Ni: Flordeliza B. Castor

T – III

Bataan National High School

SANAYSAY

Sa tuwing umuulan ng malakas agad mahahawi ang dilim kapag dumaan ang malakas na hangin, mapapawi ang unos… sisikat ang araw at kapag natuwa ang Dakilang Pintor iguguhit niya ang “bahaghari”.

Sabi ng bunso ko, “Nanay ang ganda–ganda ng rainbow, paano ko kaya ‘yan mahahawakan? Tara puntahan natin”.

“ Anak kalma lang, alam mo bang may kuwento tungkol dyan?” tugon ko.

“Talaga ‘Nay?”, masayang sabi niya.

“ Anak sa wikang Filipino, ang ibig sabihin ng rainbow ay “bahaghari”, nagtataka ka ano ‘yun damit na panloob na ginagamit ng mga aeta, naiiba ang bahag niya makulay, hari nga siya hindi ba?”, natatawang wika ko.

“Pero may karugtong na kuwento ang bahaghari, alam mo bang kung gaano karami ang kulay niya ganoon din ang buhay ng mga “guro”, at kapag nalaman mo kung paano nakatulad sa bahaghari ang buhay namin mas lalo mong gugustuhing mahawakan at maabot ‘yan” ang pang- iingganyo ko sa aking bunso.

“ Sige ‘Nay makikinig ako… makikinig ako”, nakangiting wika niya.

Ang unang kulay na iuugnay ko sa buhay ng guro ay pula, katulad ng kulay ng puso na kulay pula ito ay simbolo ng pagmamahal, kaming mga guro ay puno ng pagmamahal sa aming mga tinuturuan kaya nga “mga anak” ang kadalasang tawag namin sa kanila. Sila ay para na rin naming mga anak. Kadalasan sampung oras namin silang kasama sa paaralan, samantalang ang tunay naming mga anak ay limang oras lamang naming nakakasama ang ibang oras sa pagtulog na napupunta kasi pagod na si “Ma’am”.

Ang kulay orange o kahel naman ay mula sa pinagsamang kulay pula at dilaw. Ang pula ay pagmamahal na sinamahan ng dilaw na kulay ng pag- asa. Kaya ang isang tao na puno ng mga kulay na ito ay larawan ng taong matagumpay. Ang mga guro ay walang sawang nagbabahagi ng pag- asa sa kanilang mga mag- aaral na minsan akala ng mga bata ay “sermon” ngunit hindi nila napapansing ito ang nagiging gabay nila sa pagkamit ng tagumpay. Sabi nga ng isang estudyante ko, ang hindi niya malilimutang sermon ko ang naging gabay niya kaya nakatapos siya ng pag- aaral. Sinabi ko kasi sa kanila na ang kahirapan ay hindi sagabal upang makamit ang tagumpay kundi ito ang magiging hamon sa kanila. At ngayon ay isa na siyang sikat na inhinyero.

Ang green o luntian naman ay ang kulay na handog ng kalikasan. Para bang ang mga guro, kung paanong ang kalikasan ay puno ng yaman ganoon din ang karunungang hatid namin sa mga mag- aaral. Sabi nga “Walang mahusay na abogado, doktor, arkitekto at ibang taong naging matagumpay sa iba’t ibang larangan kung walang gurong nagturo sa kanila”. Hindi ba ang edukasyon ay kayamanang hindi mananakaw ng sinoman.

Indigo naiibang kulay na katuld ng mga guro, naiibang kulay na nagbibigay kulay sa lahat. Paanong naiiba, mula sa pagiging ordinaryong tao… pinanday ng panahon sa pag- aaral. Walang katapusang pagpapayaman ng isipan minsan naiisip ko tuloy baka pagdating ng panahon wala na kaming maalala, kasi naupod na sa kaiisip ang utak namin. Naiiba lalo’t ang natagpuan mo ay mahusay, matalino, mapagmahal at masipag na guro.

Ang violet o lila naman, kung mahilig ka sa suman at ubeng halaya na paboroto mo tuwing Pasko, hindi mo ito makakain ng hindi magkasama. Ganoon din ang guro at mag- aaral hindi puwedeng hindi magkasama. Ang guro kapag nagretiro na balik at balik pa rin ng paaralan hinahanap- hanap kasi nila ang tawag na “Ma’am”. Akala ng iba palaging nagsesermon hindi na ‘yun si “Ma’am” pag ganoon si “Akin” na ‘yun ibig sabihin Akinse at katapusan lang ang hinihintay.

Ang blue o bughaw naman ay kulay ng kapayapaan, subukin mong tumingala… lahat ay payapa. Ano ang kaugnayan niya kaya Ma’am. Hindi ba kapag nahihirapan kana tingin ka lang sa langit at bulong mo “Lord bahala ka na”. Magpapadala si Lord ng rescue, o ng taong gagabay sa atin at kadalasan guro pa rin ‘yun. Subukan mo lahat ng tanong, nasasagot niya. Minsan lang “choppy” ang signal lalo at masama ang pakiramdam niya. Minsan nagrereklamo kayo sa ipinapagawa, sa gustong mangyari di nyo alam iyon ang huhubog sa inyo upang maging mga responsableng tao.

“Ano bunso, dib a magkapareho ang guro at ang bahaghari?”, tanong ko sa kanya.

“Ang titser pala at rainbow pareho, pinagsama- samang kulay”.

“Paano ako makakapunta sa kanya, paano ko siya mahahawakan?”

“Halika anak, yakapin mo ako at parang nahawakan mo na din siya, dib a Titser ang Nanay mo?”

“Di ba ‘Nay may kayamanan kapag natawid mo ‘yan?”

“Oo anak kapag napagtagumpayan mo ang mga pagsubok sa buhay gamit ang edukasyon, nasa iyo na ang bunga ng puno ng ginto.”

Naglaho na ang bahaghari, tumakbo na rin palabas ang anak ko, naisip ko lang… kasingkulay pala ng bahaghari ang buhay ng guro, na kung isasalin sa canvas at iguguhit nang mahusay na pintor. Sana lang lahat ay maiguhit… lahat ng ginawa mo, ng ginawa ko at lahat ng ginawa ng mga guro sa mundo.