Mobile Teacher, Ano ang Papel Mo?
NI: GEMMA ROSE LOYOLA
Education Program Specialist II
Date posted: July 21, 2020Sino nga ba ang mobile teacher? Marami ang hindi nakakakilala sa kanila. Madalas sila ay napagkakamalang social workers. Ang mobile teachers ay mga guro na nagtuturo sa mga “Out-of-School Youth “(OSY) sa ilalim ng programa ng DepEd na Alternative Learning System (ALS). Hindi mo sila madalas makita sa paaralan, dahil ang kanilang misyon ay ilapit at dalhin ang edukasyon sa nangangailangan. Kadalasan sila ay nagtuturo sa mga barangay halls, sa ilalim ng puno, bakanteng gusali o sa mismong tahanan ng OSY ,kahit saan man sila nakatira mapabundok man o pa dagat.
Malaki ang ginagampanang tungkulin ng mobile teachers dahil kailangan nilang maghanap ng mga kabataan na nangangailangan ng tulong upang makapag -aral.May mga pagkakataon na nalalagay ang buhay nila sa alanganin tulad ng pag- akyat sa bundok o tumawid ng ilog o dagat para lang madala o mailapit ang edukasyon sa mga ito.Tunay na maituturing natin silang bayani sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Tulad na lang ng pagpunta ng mga mobile teachers sa bawat tahanan ng mga OSY na ito upang hikayatin silang mag-aral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) at sila rin ang nagpapaliwanag sa kahalagahan ng edukasyon. Hinihikayat din nila ang mga kabataan ,kung sila man sa kasalukuyan ay nagtatrabaho o wala ,may mga pamilya na at talagang walang kakayahang mag-aral sa formal na edukasyon ang mga mobile teachers ang may malaking papel upang makapag-aral ang mga ito. Ang mga guro din ang nag-aayos ng araw , oras at lugar na mapagkasunduan kung kailan sila maluwag para sa gagawing pag-aaral. Ang mga learning modules ang ginagamit ng mga guro upang mapatuto ang mga OSY. Kung kaya nagiging madali ang pagtuturo at walang magiging hadlang upang hindi makatapos ang isang OSY at magkaroon ng diploma .Ang mga diplomang ito ay magagamit nila sa paghahanap ng trabaho at kung gusto pa nilang magpatuloy sa kolehiyo maaari pa rin silang mag-aral.
Kung kaya saludo ako sa mga guro ng Alternative Learning system (ALS) dahil ang sakripisyo nila upang makamit at mapalapit ang edukasyon para sa lahat, ay hindi matatawaran at hindi mababayaran ng material na bagay. Ang mga” Mobile teachers”ay mga bayaning naglilingkod para sa bayan para sa kabataang pag-asa ng bayan.