Diploma
Post date: Mar 31, 2017 3:54:52 AM
Elsa P. Camingal
Master Teacher I - Bataan National High School
Nitong nakaraan lamang, napukaw ang aking atensyon ng isa sa mga segments ng isang sikat na feature-magazine show. Ito ay matapos nilang ipalabas ang kwento ng mga batang mag-aaral sa Dapitan na naglalakad at umaakyat sa matarik at peligrosong bundok sa loob ng halos dalawang oras makarating lamang sa kanilang eskwelahan. Ang pagpahalaga ng mga batang iyon sa kanilang edukasyon ay tunay ngang kahanga-hanga.
Tayo ngayon ay nabubuhay sa modernong panahon kung saan ang teknolohiya na ang tila nagpapaikot sa ating mundo. Ang mga gawain ay madaling natatapos sa tulong ng mga teknolohiyang ito. Madali rin nating nakakausap ang mga mahal natin sa buhay na nasa malayong lugar sa pamamagitan ng mga social networking sites gamit ang mga computers. Hindi kailangang malaki ang naitutulong at ambag ng mga modernong teknolohiya sa pang-araw-araw nating pamumuhay.
Nguni’t kasabay ng mga pagbabagong ito ang tila hindi rin namamalayang pagbabagong nagaganap sa linya ng edukasyon.
Ayon sa iba’t ibang pag-aaral malaki raw ang nagiging impluwensya ng mga computer games sa pag-iisip ng ating mga kabataan. Madali silang naa-adik sa iba’t ibang laro sa virtual na mundo. Dumarating pa sa puntong ang ilan sa kanila ay hindi na pumapasok sa eskwela bagkus ay nagtutuloy sa mga computer shops para maglaro.
Nguni’t hindi rito natatapos ang epekto ng mga computer games. Hindi napapansin ng mga kabataan na unti-unti silang tinuturuang magsugal ng mga computer games. At dahil sa mga pustahan kung minsan ay nagkakaroon ng alitan, hindi pagkakaunawaan, pag-aaway at ang pinaka masaklap, kamatayan. At ang ganitong mga balita ay hindi na rin naman bago sa ating pandinig.
Hindi rin naman dapat ibunton ang sisi sa teknolohiya tulad ng computer sapagkat naniniwala akong nilikha bunga ng isang natatangi hangarin at ito ay ang makatulong. Sa huli tayo pa rin ang magpapasya kung ito ba ay gagamitin sa tama o hindi.
Madalas nating marinig mula sa ating mga magulang ang edukasyon ang tanging kayamanan na maipapamana nila sa atin. At edukasyon din ang tanging kayamanan na kailanman ay hinding-hindi mananakaw mula sa atin. Naguni’t anong gagawin natin ngayong tila ang mga kabataan hindi kayang pahalagahan ang edukasyon mayroon sila ngayon?
Sabi nga nila nalalaman lang natin ang halaga ng isang bagay kapag wala na sa atin ito. Kaya siguro ganoon na lamang ang pagpupursigi ng mga mag-aaral sa Dapitan dahil alam nila ang pakiramdam ng wala. Kaya siguro pilit nilang binabagtas ang matatarik at delikadong bundok para lamang makapag-aral ay dahil mas higit nilang nauunawaan ang buhay, ang kahalagahan ng edukasyon.
Sana lahat ng mag-aaral ay tulad ng mga mag-aaral sa Dapitan. Handang magsakripisyo, handang mapagod pero kailanman ay hindi sumusuko sa pag-asang ang diploma na hatid ng edukasyon ang mag-aangat at magsasalba sa kanila mula sa kahirapan.
Sa ganitong punto siguro nanaisin ng ating pambansang bayani na mabuhay muli at hanapin ang mga kabataang sinabi niya sa kanyang nobela na mga “pag-asa ng bayan”. Gayon pa man marami pa rin ang nagsusumikap na makamit ito.
Nakalulungkot lamang isipin na mayroong mga kabataan na hindi makita ang kahalagahan ng edukasyon, na makamit ang Diploma ng Pag-asa.