Sa ALS, May Pag-asa
Post date: Feb 24, 2015 7:02:32 AM
ni : Irene P. Aranas
District ALS Coordinator
Hindi lingid sa ating kaalaman na ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit marami sa ating mga kabataan na hindi nakapapasok sa paaralan ay ang kahirapan. Kinakailangan nilang magtrabaho sa murang edad upang makatulong sa kanilang magulang para sa kanilang ikabubuhay. Kaya’t sila ay napagkakaitang makapag-aral at makapagtapos sa pormal na paaralan.
Sa Alternative Learning System (ALS) dating Non-Formal Education (NFE) malaki ang pag-asa ng ating mga kabataan na makatapos ng pag-aaral at makamit ang kanilang mga pangarap. Ito ay programa ng pamahalaan para sa mga kabataan at matatanda na hindi nakatapos ng pag-aaral sa elementarya at sekondarya. Nagkaroon rin ng katuparan ang matagal ng pangarap ng mga namumuno sa ating pamahalaan na mabigyang lunas ang mga problema sa pamamagitan ng ALS. Maraming Out-of School Youths (kabataan) at Out-of-School Adults (matatanda) ang nabiyayaan ng programang ito.
Sa programang ito ng ating pamahalaan malaki ang tulong at suportang ibinibigay ng mga pamunuan ng barangay sa pangunguna ng punong barangay. Pinahihintulutan nila na magamit ang kanilang barangay hall upang gawing learning center at nagbibigay din sila ng mga gamit sa pag-aaral tulad ng notebooks, papers, folders, Manila papers, ballpens at pentel pens.
Bagaman abala sa hanapbuhay ang mga kabataan maaari pa ring makadalo sa klase gamit ang modules at iba pang learning kits sa kanilang libreng oras bago at pagkatapos nilang magtrabaho. Mayroon ding sariling school calendar ang ALS kung saan isinasalang-alang ang panahon ng taniman at anihan sa bukid sa mga kabataan na ito ang pangunahing hanapbuhay.
Sa pamamagitan ng modules na kanilang papag-aralan at sasagutan, maaari silang mag-aral kahit sila ay hindi nakakapasok at malayo sa paaralan.
Sinumang makapasok at makapasa sa pagsusulit na ibinibigay ng ALS na tinatawag na A&E o Accreditation and Equivalency Test ay binibigyan ng katibayan ng pagtatapos na may lagda ng Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon. Ang mga nasa sekondarya na makakapasa sa pagsusulit ay maaaring makapasok sa kahit anong kurso sa kolehiyo. Ang mga elementarya naman ay maaari ring makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral sa mataas na paaralan. Ito na ang simula ng isang kaliwanagan ng isang pag-asa at pag-asenso sa buhay ng ating mga kabataan.
Mga kabataan, hindi kayo dapat mawalan ng pag-asa dahil narito ang ALS na kasagutan at karamay sa pagkamit ng inyong mga pangarap. Bilang patunay, wika ng mga nabiyayaan na, “Sa ALS, may pag-asa.”