HINDI HUMIHINTO ANG PAGTIBOK NG PUSO

Post date: Feb 6, 2015 1:58:10 AM

Ni Lorena L. Gaza

Head Teacher I - COBNHS

Sa apat na taon kong pagtuturo sa pribadong paaralan at mag-aanim na taong pagtuturo sa pampublikong paaralan hindi na maiaalis sa aking sistema ang hanapin ang mga gawaing tanging pang-guro lamang katulad ng pagbangon nang maaga upang hindi mahuli sa mga estudyanteng naghihintay para mabahaginan ng mga bagong kaalaman. Ang makitang nakangiti at nasisiyahan ang mga batang nakikinig sa itinuturo ay sobrang kabayaran sa lahat ng pagod sa paggawa ng lesson plans at instructional aids. Ang simpleng “salamat” ng isa sa aking mga estudyante sa tuwing lalabas ako ng kanilang klase ay lubhang nakaaalis ng pagod. Nakatutuwang kahit hindi na nila ako guro ay naaalala pa nila ang aking pangalan at ilan sa aking itinuro.

Napakasayang alalahanin ang mga panahong ako ay nagtuturo pa. Ngayon sa tuwing iikot ako sa paaralan, hinihintay kong marinig ang pagbati ng mga estudyante kasama ang aking pangalan, ngunit hindi lahat ng bata ay kilala pa ako. Halos dalawang pangkat na lamang ng estudyante sa aming paaralan ang nakakakilala sa akin dahil sila ay aking naturuan noong nakaraang taon. Noong “Teachers’s Day” at Pasko, lubha kong naramdaman na hindi na nga ako nagtuturo, wala na ang maraming liham-pagbati ng mga bata at ang masayang “party” ng buong klase. Nakalulungkot na ilan lamang ang mga bagay na ito sa sobra kong kinasasabikan, ngunit masayang bahagi na lamang ng aking karanasan.

Marami sa aking kasamahan ang nagsasabing, buti pa raw ako hindi na nagtuturo. Ang lagi kong isinasagot, “Buti pa kayo, nagtuturo pa.” Marahil sa mga nakaririnig maaaring hindi sila maniwala sa aking sagot dahil inaakala nilang hindi ko hinahanap-hanap ang pagtuturo. Kung alam lang nila ang kirot sa aking puso sa tuwing nakikita kong nagkakasiyahan sila kasama ang kanilang mga estudyante, nakikita ko ang aking sarili ilang taon na ang nakararaan. Sabi nila nasa huli raw ang pagsisisi, ngunit sa pagtuturo walang pagsisisi sa huli, dahil sa huli doon mo mararamdaman kung gaano kasaya at punong- puno ng biyaya ang pagiging guro. Hindi dahil sa sweldo o anumang material na bagay na kapalit kundi sa mga estudyanteng patuloy na bumabalik-balik at nagpapasalamat dahil minsan sa buhay nila nakakilala sila ng taong hindi man nila kadugo, subalit sobrang pagpapahalaga naman ang ibinigay sa kanila.

Hindi na nga ako nagtuturo, ngunit kung bibigyan ako ng pagkakataong makasalamuha muli ng mga estudyante, hindi ko ito maaaring palampasin, upang maidagdag sa mga magagandang alaala noong ako’y nagtuturo pa. Ganito pala ang pakiramdam ng isang gurong nahinto sa pagtuturo.