Ang Tatlong Lapis
Post date: Feb 15, 2017 6:27:44 AM
Ni: Milagros Monta
HT-III
Bataan National High School
Nang sumikat ang Tatlong Bibe… may sumikat ding” Tatlong Lapis” sa aking buhay .
Una ay ang bagong- bagong lapis, ikalawa iyong kalahati na nagamit na at ang pangatlo na paborito ko ay ang upod na lapis.
Minsan ang buhay natin ay katulad ng mga lapis na ito…patuloy na ginagamit at patuloy pa sanang gamitin upang makadagdag ng mga kaalaman.
Bagong-bago ang lapis na hawak ng aking anak. Masaya niya itong pinagmamasdan at ilang beses inilabas ipinasok sa pula niyang bag.
Ang sabi ko,”Halika bunso tasahan natin ang bago mong lapis at ng magamit mo.”
Wika ni Bunso, “Ayoko po sayang mauubos”.
Ganito natin maiuugnay ang papel na ginagampanan natin sa buhay, tayo ba ay naging makabuluhan sa ating kapwa? O baka nanatiling buo dahil ayaw mong magbahagi sa iba.Minsan dala rin ito ng pagkatakot na hindi ka matanggap. Totoong mahirap magbahagi ng isang bagay na hindi kusang loob na binibigay, ngunit tandaan mo, na sa pagbibigay nakakamit ang tunay na ligaya”.
Sa ganitong kaisipan natitigan ko ang isa pang lapis na hawak ng anak ko, patuloy niya itong tinasahan, napangalahati at ipinangsulat. Ito ay katulad ng isang taong puno ng buhay, ng pag-asa at patuloy na nagiging kapakinabangan sa marami. Sa kanyang mga gawa at salita naiimpluwensyahan niya ang kanyang kapwa upang patuloy na lumaban sa pagsubok ng buhay, patuloy mang tasahan maganda pa rin ang sulat . At sa bawat letra na isusulat mo bunga nito ay mga sagot sa tanong na magbubunga ng pag-unlad at ng pagtuklas. Kaya nga dahil sa lapis na iyan nalutas ang maraming problema, nakagawa ng makahulugang solusyon …nabuhay ang talino ng mga natatanging tao, mga pilosopo,siyentipiko,pilontropo, natatanging mga magulang,kaibigan, mahal sa buhay at marami pang iba na likha ng lapis na ginamit. Sana ang buhay ay matulad sa lapis na ito.
At ang ikatlong lapis?
Tumatakbo si bunso palabas at hanap ang basurahan.
“Anong gagawin mo” tugon ko.
“Itatapon ko po ang lapis, upod na”.
“”Alam mo ba ang naging buhay ng lapis na iyan”, tanong ko.
Kumunot ang noo niya.”Pag may bago may luma,lahat ng naluma may kasaysayang ginawa.”
Katulad ng upod na lapis ang buhay natin. Ang tanong paano ba ito naupod? Nagamit ba ito ng tama? O di kaya’y patuloy na natasahan at biglang naglaho?
Ilang tao kaya ang nakinabang sa lapis na ito? Ilang yaman ba ang ibinigay ng Diyos na di napagyaman? Naisulat kaya ng lapis na ito ang mga kabutihang nagawa natin at naitala nang maayos ?
Nakakatuwang isipin na sa pagmamasid sa tatlong lapis nabuo ang tatlong uri ng tao na maaaring maging tayo sa kasalukuyan.
Saan kaya tayo nabibilang sa tatlong lapis na nabanggit? Lapis na naging saksi sa ating tagumpay bilang nilalang, guro at magulang sa ating kabataan ngayon, sa kasalukuyan at sa darating pang panahon.
Hamon sa bawat isa sa atin ang tatlong lapis na bubuo sa pangarap na nais natin.