Ang Mandirigma
Post date: Mar 31, 2017 3:51:01 AM
Elsa P. Camingal
Master Teacher I - Bataan National High School
Sa mundong mapaglaro may kanya-kanya tayong laban ng buhay. May sari-sarili tayong digmaang pilit na pinagtatagumpayan.
Di pa man ganap na pumuputok ang araw bumabangon na kami upang paghandaan ang isang naghihintay na digmaan. Digmaang alam naming na sa oras na hindi mapagtagumpayan malaki ang magiging epekto sa mundo at lipunang ating ginagalawan. Kaya naman hindi rin biro ang ginagawa naming paghahanda.
Habang inaayos ko ang aking sandatang gagamitin, biglang nagbalik ang alaala ng nagdaang gabi. Malamig, madilim at nakakatakot. Pinalakas pa ng mga kalabog mula sa langit ang kabog ng agam-agam mula sa aking dibdib. Sa totoo lang hanggang ngayon nagtatanong pa rin ako. Naghahanap ng kasagutan kung bakit ko pa rin ito ginagawa gayong maari ko naman itong bitawan anumang oras ko naisin. Dahil sa pamilya? Maaari, pero hindi pa rin sapat sa akin ang dahilang ito kaya patuloy pa rin akong naghahanap at nagtatanong.
Sandali akong napatahimik, nag-isip nguni’t agad ding bumalik sa reyalidad. Matapos pagsilbihan ang aking asawa at mga anak. Muli na akong naghanda para sa nalalapit na laban.
Gamit ang yeso, pisara at kaalaman bilang sandata agad akong nagtungo sa pook tunggalian. Doon ko naabutan ang musmos na sundalong bagaman hindi pa handa ay dapat kong turuan. Tungkulin kong punan ng kaalaman isipan upang ihanda sila sa mas komplikado at marahas na reyalidad. Ang tungkuling magturo at humubog ng buhay at isang lipunan kailanma’y hindi naging madaling laban. Nguni’t higit pa rito ang kaya naman gawin bilang mga guro.
Tungkulin din naming gamutin at pagpahingahin ang mga pusong pagod at sugatan sa laban. Hindi lahat ng aming mag-aaral ay kayang tumindig at lumaban ng nag-iisa. Naroon kami kung saan kailangan nila kami. Naroon kami sa tuwing babagsak sila upang muli silang itayo at akayin. Walang sundalong hindi napapagod. Pero hindi kailanman silang dapat hayaang sumuko sa laban ng buhay.
Kasama nila kami. Sa tuwing mag-isa sila at lumuluha dahil sa sakit ng unang pag-ibig, kasalanang hindi ginustong gawin at mga pagkakamaling patuloy na sumusugat sa kanila. Kasama nila kaming luluha sa mga pagkakataong akala nila sila’y mag-isa dahil kami ay mga itinuturing na nilang ama at ina. Nguni’t nais kong malaman nila na ang pagluha ay hindi simbolo ng kahinaan. Bagkus ito ay tanda ng pagiging totoo sa sarili at sa sariling nararamdaman. At ang pagpapakatotoo ay isang magandang halimbawa ng katapangan.
Sa pagkakataong kailanganin nila kami upang tumindig para sa kanilang karapatan, hindi kami magdadalawang isip na lumaban, sumigaw at tumindig para sa kanilang kapakanan. Walang takot kaming susuuong sa laban at hamon ng aming tungkulin.
Noon akala ko sapat na nagtuturo ako para sa mga estudyante ko nguni’t habang nagtatagal unti-unti kong natutunan na hindi sapat ang mga aral na aming itinuturo sa loob ng silid-aralan. Dahil ang mundo ay isang malawak, magulo at masalimuot na proseso pagtanggap at paglaban.
Madalas akong nagtatanong, naghahanap ng sagot kung bakit patuloy akong humaharap sa isang mabigat na responsibilidad o mas akmang sabihing laban ng aking buhay bilang isang guro. Dahil sa pamilya? Siguro pero sa tingin ko nahanap ko na ang sagot. Dahil hindi lang kami basta guro kundi kami ay mga gurong Pilipino.