ABAKADA
Post date: May 26, 2015 8:26:56 AM
Jocelyn Almario Bustamante
Teacher III
Bataan National High School
City of Balanga, Bataan
Sa tuwing maririnig ko ang awitin ni Florante na may pamagat na
ABAKADA na sumikat noong dekada 70 ay bumabalik sa aking isipan na ang kaalaman ng isang tao ay nagpapasimula sa tahanan.
Malimit na ang usal ng maiikling salita ay binigyang patnubay ng isang pantigan na hawak ng isang ina sa pasimulang yugto upang matutong bumasa ang batang anak.
Bukod pa rito, ang kagandahang asal, pagiging magalang at pagkamasunurin ay karaniwan na ring kasamang pinapanday ng disiplina sa panahong ang musmos na isipan ay unti-unti ng nahuhubog sa pagdaan ng panahon.
Karapatan ng bawa’t mamamayan ng bansa ang pagkakataon na makapag-aral. Mahirap man o mayaman, ang edukasyon ay inilalaan para sa lahat na walang inuuri. Ito ay positibong tinutugunan ng pamahalaan na mabigyan ng pormal na edukasyon ang mga kabataan. Ang makapag-aral at magkaroon ng sapat na kaalaman para sa isang mabuting kinabukasan.
Sa bawa’t baitang ng pag-aaral sa paaralan ang mga guro ang nagsisilbing ina at patnubay ng mga mag-aaral. Hindi lamang upang mabisang matutong bumigkas at bumasa, kasama na rin ang makapagsulat ng maayos ukol sa laman ng kaisipan.
Isang tampok na din sa pagbibigay ng edukasyon ay ang tungkuling mapatnubayan sa tama at angkop na pag- uugali ang mga mag-aaral para sa maayos at payapang pamumuhay.
Malalim at malayo na ang inabot ng ABAKADA sa buhay ng mga Pilipinong mag-aaral na nagsikap upang makamit ang tagumpay sa kani-kaniyang larangan ng kadalubhasaan.
Sa pagdaan ng mga panahon ang ABAKADA ay patuloy na nagsisilbing isang pundasyon ng edukasyon mula sa tahanan tungo sa paaralan hanggang sa mga lakad ng buhay sa kinabukasan.