Teknolohiya sa Edukasyon
Post date: Sep 1, 2017 7:37:15 AM
Ni Mrs. May Ann C. Marantal
City of Balanga National High School
“ Man is still the most extraordinary computer of all” - John F. Kennedy
Hindi maipagkakaila na kasabay ng pagkakaroon ng bagong curriculum sa bansa ay ang patuloy na pag-usbong ng makabagong teknolohiya. Noon, ang “tablet” na mayroon tayo ay nangangahulugang gamot. Sa ngayon , ang “tablet” na karaniwang tinutukoy ng karamihan ay isang uri ng teknolohiya na bunga ng modernisasyon. Mabilis na lumilipas ang panahon at hindi natin namamalayan na sa isang kisap-mata lamang, marami na palang bago at nagbago. Paano nga ba makakaapekto ang pagbabagong ito sa edukasyon? Anu-ano nga kaya ang maaaring ibahagi nito sa mga mag-aaral na makakatulong sa kanilang kabuuang pag-unlad?
Maka-diyos, maka-tao, makakalikasan, at makabansa. Ito ay ang mga inaasahang katangian na dapat taglayin ng bawat Pilipino ayon sa Departamento ng Edukasyon. Paano nga ba makakatulong ang teknolohiya sa pagkamit nito? Ang konsepto ng teknolohiya sa edukasyon ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng makabagong teknolohiya sa pag-aaral bagkus ay ang wastong paggamit nito. Maraming naidudulot na mabuti ang teknolohiya sa edukasyon. Ilan lamang dito ay ang pagpapadali ng mga gawain na may kinalaman sa pag-aaral, ang pagiging konektado sa iba’t-ibang bahagi ng mundo at ang makabagong karanasan na nakatutulong sa pag-unlad ng mga mag-aaral. Napapaloob sa K-12 Curriculum ang tinatawag na “learner-centered approach” na kung saan ay binibigyang halaga ang mga mag-aaral sa pagbuo ng kaalaman at pagsasagawa ng makabuluhang gawain na humuhubog sa kanilang pisikal, saykolohikal at espiritwal na katangian. Ngunit, kalakip ng approach na ito sa edukasyon ay ang tinatawag na “ values integration” at “ contextualization ” na makatutulong sa mga mag-aaral upang maging isang mabuting mamamayan.
Sa kabilang banda, marami pa rin ang mga sinasabing hindi mabuting dulot ng teknolohiya sa edukasyon. Ito raw ay nagtuturo sa atin upang maging tamad at abusado. Kung lubos nating iisipin, ito ay iilan lamang sa mga hindi makatarungang dahilan. Hindi naman nawawala ang tradisyunal na gawain sa pag-aaral kagaya na lamang ng pagbabasa ng aklat at pagsusulat sa kwaderno. Ang wastong paggamit ng teknolohiya ay isa lamang sa mga karagdagang pamamaraan na makakatulong sa pag-aaral. Depende na sa atin kung paano natin ito gagamitin. Bilang mga tao na nilikha ng Diyos, tayo pa rin ang lubos na makatutulong sa atin upang maging makabuluhan at maging daan upang mapaunlad ang tinatawag na makabagong pamamaraan para sa Edukasyon na siyang huhubog sa bagong henerasyon.