MGA BAYANI NG LIPUNAN
NI ESPERANZA . G. DE LEON
MASTER TEACHER -ICITY OF BALANGA NATIONAL HIGH SCHOOLMadalas sa mga usapan, kwentuhan, tagisan ng talino at patimpalak, hindi nawawala ang mga usapin tungkol sa kasaysayan, lalo na’t ang batayan ay ang pagiging bayani, ngunit ano nga ba ang tunay na kahulugan ng salitang ito? Ito ba ay ang mga taong nakipaglaban para sa bayan? At nag buwis ng buhay para sa kalayaang minimithi? Bagamat napakraming mabigat na batayan upang tawagin kang isang bayani, tila yata nalilimutan natin at naisasantabi na sa ating lipunang ginagalawan ay may mga nabubuhay na bayani na patuloy pa ring ipinaglalaban hindi lamang ang bayan kundi pati na rin ang mga kabataan. Sino Sila? Sila ang mga magulang na binubuo ng Ama’t Ina at mga bayaning guro ng ating paaralan na wala mang hawak na sandata para sa pakikipaglaban ay puno naman ng kalaaman at nagbibigay pag- asa para sa kabataan. Mga magulang na handang ihandog ang mga buhay para sa kapakanan ng pamilya lalo na sa mga anak. Ina ang nagsisilbing ilaw ng tahanan, siya rin ang isa sa mga pinakamamahalagang tao na bumubuo ng ating pagkatao.
Bagama’t iba-iba ang pamamaraan ng paghuhubog ang ating mga ina, isa lang ang natitiyak ko, sila ang ating nagsisilbing liwanag at gabay sa ating paroroonan, sa mga panahon na tayo ay nadadapa, nalulumbay, nasasasaktan silang mga dakilang ina ang handang tumanggap at magtama sa ating mga pagkakamali, marahil hindi pa sapat ang paraan kung paano ko ilarawan ang isang ina, masakit man isipin ang katotohanan na may mga anak na tila hindi nakikita ang pag sasakripisyo nila, ang pagdadala sa atin ng ating mga ina sa loob ng kanilang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ay isa na sa pinakamahalagang dahilan upang sila ay mahalin, pahalagahan, pagmalasakitan at higit sa lahat ay arugain. Alam ko na ang pinakamasakit na bahagi ng ating buhay ay mawalan ng isang ina, sana sa panahon na sila ay mamamaalam at tuluyan ng lilisan, ang kanilang munting tinig na araw araw nating naririnig ay mag silbing gabay natin upang magpatuloy na harapin ang mga hamon ng buhay, sana palagi nating alalahanin kung paano tayo naging tao at nagkaroon ng silbi sa mundong ginagalawan ay dahil sa kanila.
Ama, amang, itay, tatay, tatang at iba pang mga kataga ang madalas nating gamitin sa ating mga nagsisilbing haligi ng tahanan. Ito ay mga salitang kung ating pakikinggan ay simple lamang, ngunit ang mga katagang ito ay may mga napakalalim na kahulugan, madalas kong marinig sa bawat kwentuhan, di bale wala ang tatay sa bahay basta may nanay, maaaring may dahilan kung bakit ang mga salitang ito ay aking naririnig ngunit alam ko kung paano binuo ng aking ama ang aking pagkatao, kung ano man ako ngayon ay utang ko sa kanya, sa bawat araw na kasama ko siya, ramdam ko ang kahulugan ko bilang tao at anak, pagtuturo ng tamang kaasalan, pagkastigo at pagtutuwid sa bawat pagkakamali at higit sa lahat pagpapakita ng katatagan na kahit ako ay babae lamang, marami akong kayang gawin tulad nila. Isa na marahil ang pagiging matatag kahit anong hamon ng buhay ang isa sa mga pinakamahahalagang bagay na natutunan ko sa kanya, ang bawat palo na aking natatanggap kaylanman ay hindi ko inisip na parusa, kundi isang paraan ng pagtutuwid.
Bagamat masakit ang katotohanan na may mga ama na nalilihis at naliligaw ng landas, malaki parin ang kanilang ginampanang papel sa paghubog sa ating pagkatao, ang katotohanan na tayong mga anak ay bunga ng pagmamahalan ng ating mga magulang, kaylanman ay hindi natin maaaring kalimutan na ang ating mga ulirang ama ay bahagi ng ating buhay. Kaya sa paglisan ng aking ama, patuloy ko pa ring aalalahanin ang mga mabubuting aral na iniwan niya, at hinding hindi ko makakalimutan ang mahigpit na bilin nya… anak ang inang mo huwag mo pababayaan ha, bagamat mahigpit na yakap at hikbi ang naging tugon ko sa kanya, alam ko na nauunawaan niya na ang aking tugon ay sapat na upang huwag siyang mag alala.
Mam, Ms., teacher ang mga tawag natin sa kanila, mga guro na buwis buhay kung tagurian sila. Gurong handang magsakripisyo upang maibigay lamang ang kaalaman na kailangan ng mga mag-aaral, madalas inuuna pa ang eskwelahan kaysa sa sarili nilang pamamahay. Nakatutuwang isipin na kaylanman ay hindi kasama sa aking mga pangarap noon ang maging isang guro, nais ko sanang maging isang nurse or flight attendant, ngunit sa paglipas ng panahon habang ako’y lumalaki, naging maigting ang aking pagnanais na ako’y maging isang guro, at ng ito ay maging isang ganap, mas lalo kong naunawaan kung bakit ang aking ama ay ito rin ang hangad. Marahil sa panahon na marami ang mga hindi magandang balita tungkol sa mga guro, hindi ito sapat na dahilan upang talikuran ang aming sinumpaang tungkulin.
Bahagi lamang ito ng mga pagsubok at pagsasakripisyong ginagawa ng mga guro, isa na marahil sa pinakamahirap na tungkulin namin bukod sa pagtuturo ay matiyak na ang aming mga mag aaral ay nasa tama at tuwid na landas ng pamumuhay. Kami ang nagsisilbing pangalawang magulang ng aming mga mag aaral at kasama sa pagbuo ng kanilang mga pangarap. Ang mga panahon na aming inilalaan sa kanila ay hindi lamang bahagi ng aming gampanin kundi bahagi ng pagiging magulang sa kanila. Darating ang panahon na ako ay hihinto sa pagtuturo, ngunit ang mga masasayang alaala na aking naranasan sa aking mga mag aaral kaylan man ay di ko malilimutan, mga mag aaral na naging bahagi ng kasiyahan, kalungkutan ang nag patatag upang gampanan ang aking tungkuling sinumpaan.
Marahil sa pagdating ng aking dapit hapon, masaya kong aalalahanin na sa bahagi ng aking pagtuturo ay mga tao akong naituwid ng landas, nabigyan ng pag asa, at napahalagahan ang buhay na meron sila. Mga mag aaral na mas pinaigting ang pananampalataya sa Poong Maykapal lalo na sa panahong nawawalan ng pag asa. Marahil sa pagsapit ng panahon na iyon, wala na akong mahihiling pa at magpapasalamat sa Diyos na ang gawaing iniatang niya ay aking nagampanan na. INA…AMA…GURO… mga taong bumuo ng ating pagkatao, nagsilbing liwanag, haligi at gabay ng ating pamayanan at lipunan. Ang ating kabuuan ay sa kanila utang. Sana hindi man natin matugunan ng buo ang kanilang mahahalagang ginampanan…patuloy tayong magsikap na maging bahagi ng kanilang adbokasiya . Sila ang mga tunay na Haligi ng lipunan.