“Kamay na Bakal”
Ni: Maria Rajima D.C. Custodio
Teacher II - City of Balanga National High School
Date posted: Mar. 8, 2019 | 4:10 PMAno ang unang pumapasok sa iyong isip kapag nadidinig mo ang salitang “kamay na bakal”? Naiisip mo ba na ito ay nagmula sa kamay ng isang robot? O marahil, naiisip mo ang mga batas ng iyong magulang sa inyong tahanan o maaaring naaalala mo kaagad yung mga panahong pinapalo ka nila kapag ikaw ay nakagagawa ng isang kasalanan.
Ang “kamay na bakal’ ay isa lamang sa mga pumapa-ilalim sa salitang disiplina. Binibigyang kahulugan ng isang diksyunaryo ang salitang disiplina bilang: “pagpapasunod sa mga tao sa mga alituntunin o mga pamantayan ng paggawi, at pagpaparusa sa kanila kapag hindi sila sumunod”. Maituturing na makalumang pagdidisiplina ng mga magulang ang kamay na bakal kung saan dumadaan ang mga anak sa isang mabigat na parusa kapag ito ay nakagagawa ng kasalanan. Bagamat sa ibang tao ay maaaring mayroon itong negatibong kahulugan, mayroon din namang mga tao’ng may malaking paniniwala na malaki ang naitutulong nito sa buhay ng bawat isa.
Kamakailan lamang ay may isang video ang kumakalat ngayon sa sirkulasyon ng social media kung saan ay mapapanuod ang pagkakahuli ng isang ama sa kaniyang binatang anak na humihithit ng sigarilyo. Sa video ay makikita ang kabataan na paeasy-easy’ng nakaupo habang naninigarilyo. Lingid sa kaalaman nito na ang ama ay nasa likod lamang nya. Maya maya pa ay humithit ang binatilyo ng sigarilyo at nang ang usok ay kanya ng ibubuga, bumulaga ang ama sa harap ng binata at bigla itong sinampal dahilan ng pagkabigla at pagkalaglag ng sigarilyong hawak nito. Mapapansin sa video na malakas ang pagkakasampal ng ama na siyang nagdulot ng maraming komento mula sa mga netizen.
Inulan ng maraming batikos mula sa mga netizen ang kumalat na video. Marami ang nagsasabing “kulang pa” ang ginawa ng ama sa kanyang anak at ito ay isa lamang sa mga nararapat na pamamaraan upang ito ay madisiplina. Ang iba naman ay nagpahayag ng hindi pagsang-ayon sa paraang ito. Ayon sa kanila, isa itong pamamahiya na kung saan ay posibleng magkaroon ng higit na epekto sa maraming aspeto ng binata. Ngunit ipinagtanggol naman ng karamihan ang paraan ng pagdidisiplina ng ama. Ayon sa iba, kung masakit ang tiyak na nararamdaman ng bata dahil sa pisikal na aksyon ng ama nito, ay mas masakit umano ang emosyonal na dulot sa ama... ang makita ang anak nito na naliligaw ng landas. Diumano ginawa ito ng ama dahil sa kaniyang pagmamahal sa anak. Anila ay ayaw lamang nito na mapunta sa maling tahakin na daan ang anak kaya naman tinatama na nito ang mga gawi habang bata pa lamang.
Masuwerte ang mga kabataang naabutan ang mabigat na pamamaraan ng pagdidisiplina. Sa kabila ng mga paraan na ito ay walang pagtatanim ng sama ng loob bagkus pasasalamat pa ang ipinababatid ng mga anak sa kanilang mga magulang. Kung maipapaliwanag at ipaiintindi sa bata ang sitwasyon kung bakit kailangan gamitin ang kamay na bakal, tiyak hindi sasama ang loob o magrerebelde ang isang bata.
Lahat ng magulang ay may kani-kaniyang paraan ng pagdidisiplina sa mga anak. Kamay na bakal man o hindi ang pamamaraan, naka-depende pa rin kung paanong maihuhubog ang isang tao sa pagtanda nito, kung ito ba ay magiging mabuting indibidwal o hindi.