KLASRUM
Post date: Mar 8, 2018 3:14:23 AM
Ni: Ireen T. Flores
Teacher III – Bataan National High School
Sa paglipas ng panahon, madaming bagay na ang nabago. Nagsulputan ang madaming makabagong kagamitan, iba’t ibang klase ng gadgets… may cellphone, laptop, tablets… lahat isang pindot lang ok na. Dati Generation Y lang pabida ngayon Generation Z na.
Noong una nangangarap rin ako, kapag nagsimula na akong magturo ito ang gusto ko, isang silid-aralan na may malamig na kapaligiran, may maayos na upuan, may malaking screen na tv na nakakonekta sa isang kompyuter na madaling maikokonek sa internet. Pero pangarap lang talaga iyon dahil sa realidad, sa pruweba ng karunungan ang manila paper pa rin ang nagwawagi laban sa makabagong kagamitan sa pagtuturo.
Kung ating bibilangin ang oras na iniikutan ng isang bata sa paaralan, mabibilang na umuubos ng walo hanggang sampung oras ang inilalagi nila sa paaralan, dalawang oras para sa pag-uwi at pagpapahinga, isang oras sa piling ng pamilya, anim na oras na pahinga o pagtulog. Makikitang malaking bahagi ang pananatili sa paaralan. At sa silid na pinupuntahan nila na kung tawagin ay “klasrum” nakakasama nila ang iba’t ibang uri ng tao taglay ang iba’t ibang pag-uugali nito. Ang pangalawang bahay na ito ay sapat ba upang makamit ang kanilang pangangailangan?
Lahat tayo ay naghahanap ng komportableng kalagayan, minsan nga mas gusto ng ilang mag-aaral sa paaralan mamalagi kaysa sa tahanan, paano kung ang hinahanap nila ay kulang?
Ang guro daw ang may malaking papel na gampanin sa pag-aayos ng ikalawang tahanang ito, maaaring kulang sa kagamitan ngunit magagawan ng paraan. Marapat daw na alamin ng guro ang pinagmulang tahanan ng batang ito, ano ba ang kulturang kinagisnan nito, ang paraan ng pamumuhay, kung sa bahay nila ay magulo at palaging may nag-aaway, ganito din ba sa pangalawa nilang tahanan? Mahirap daw alisin ang nakagisnan na sa buhay, halimbawa na lamang sa pagpapakita ng kagandahang-asal. Kung ang paggamit ng “po at opo” ay nakasanayang gamitin sa tahanang kinagisnan, asahan na palagi na itong madidinig sa bibig ng batang ito. At kung sakaling di nakasanayan, piliting hubugin natin ang magandang-asal, alalahanin na walong oras sa dalawandaang araw nakakasama natin sila. Marahil hindi na kulang ito upang mahubog sila ng husto.
Atin ding tatandaan na sa loob ng silid-aralan nabubuo ang istilo ng pag-aaral ng mga bata, paano ba sila mag-aral, nakukuha ba nila ito sa apat na sulok ng silid-aralan? Mas natututo ba sila kung nakikita, naririnig nahahawakan ang isang bagay?
Halimbawa na lamang, ang mag-aaral na walang nahahawakang babasahin tulad ng aklat, magasin, komiks at iba pa ay mailalaban ba sa mga mag-aaral na nasanay sa telebisyon, cellphone na palaging nakababad sa internet? Tandaang wala mang makabagong kagamitan sa ating silid pilitin sana nating makahanap ng pamalit dito. Ang guro bang nasa loob nito ay pamilyar sa iba’t ibang istilo ng pagtuturo, ang pagtuturo ba niya kay Juan ay maaring gamitin kay Maria. Isa itong malaking hamon sa guro. Subalit kapag natutuhan na natin ang istilong ito, kahit mahirap ang aralin, ang silid-aralang ito ay mapupuno ng karunungan. Palagi nating tatandaan na ang atensyon ng mga bata ay ilang minuto lamang ang itinatagal at matapos ito, maaring maagaw pa ng iba ang kanilang atensyon, dapat iba-ibang istilo o pamamaraan ang ginagawa ng guro.
Lubos na hinangaan natin ang napabalitang “klasrum na de gulong”, sana tayo ding mga guro ay magsikap na magkaroon ng isang silid-aralan na palaging matatandaan ng mga mag-aaral batay sa kaalaman at karanasang natutuhan nila sa klasrum. Totoong marami ngang silid-aralan na kulang sa gamit sa pagkatuto , naniniwala naman ako kung ang bawat “klasrum” ay gagawin nating isang tahanan na puno ng pagmamahalan at paggagalangan marahil walang puwang ang kamangmangan sa lugar na ito.
Tulad ko maraming nangangarap ng magandang klasrum, na tayo bilang guro makakamit ang pangarap na ito sa pamamagitan ng ating mayamang imahinasyon kahit walang makabagong teknolohiya.