Magbasa at Matuto
Post date: Mar 28, 2017 12:46:08 PM
Ni: Flordeliza B. Castor
T – III
Bataan National High School
Hindi ako tagahanga ni Bob – Ong ngunit madalas naiintriga ako sa mga isinusulat niya, lalo’t nakikita ko ang bilang ng mga kabataang bumabasa nito.
“ABNKKBSNPLAKO” isa iyan sa mga titulo ng aklat na natatandaan kong sumikat na isinulat niya na ang ibig palang sabihin ay “Aba nakakabasa nap ala ako”.
Minsan naman nagpahanap ako ng kasabihang maganda kaugnay sa pagbasa, ang napili ng anak ko isinulat din niya. “Turuan nating magbasa ang bata nang lumawak ang mundong ginagalawan niya” – Bob Ong.
Maganda di ba? Simple pero mag- iisip ka kung paano ba lalawak ang mundo ng isang bata dahil sa pagbabasa. Paanong ang kuwadradong pinagdikitdikit na papel na puno ng letra ay magiging gabay mo upang lumawak ang mundo mo?
Ang pagbasa ay isang gawaing nakaugalian na. Lalong napapalawak ang karunungan gamit ang pagbasa. Sa pagkilala sa mga simbolo o sagisag na nakalimbag sa pagpapakahulugan o interpretasyon sa mga ideya o kaisipan ng mambabasa.
Isa sa mga itinuturing na aspekto ng wika ay ang pagbasa, mula sa pakikinig, patungo sa pagsasalita upang maipahayag ang kaisipan tungo sa paggamit ng pagsulat. Sa bawat aspektong ito tulad ng pagsasalita, ginagamit ang kakayaha sa pagbasa, mula sa binasa ay marami kang kaalamang maipapahayag at maibabahagi sa iba. Ang pagbasa ay nakaaapekto sa damdamin, saloobin, mga iniisip, panuntunan at paglutas ng mga suliranin.
May kasabihan sa Ingles na “Reading maketh aman” (Keats) na ang pagbabasa ay nakalilikha ng tunay na lalaki at nakapagpapaunlad ng personalidad ng isang tao. Dito nabubuo ang kanyang pagkatao. Sabi nga ni Lord Chesterfield “Ang isang taong nagbabasa ay madalas nangunguna”. Walang alinlangan ito! Saan mang disiplina pag- usapan. Lagi nang nakalalamang ang mga taong kapag nagsasalita ay may batayan ang kanyang sinasabi sapagkat ang mga ito ay nailimbag na at tinanggap ng marami.
Sinasabi rin ang pagbabasa ay isang gawaing may layuning maaaring makapagpabago ng buhay, kakayahan ng sinoman, magdagdag ng kaalaman, ng karanasan, magpasigla ng isipan at damdamin, kaunlarang makapagpabago sa kanyang pag- uugali at sa pamamagitan nito ay makalilikha ng isang mahusay at matatag na katauhan.
Sa ginawang pag- aaral na ginawa ni Arabejo (2004) ang isang pagbasa ay maituturing na makabuluhang paraan ng pagkilala, pagbubuo ng ideya, pagbibigay ng kahulugan sa mga simbolong nakalimbag at isang susing nabubuksan ang damdamin, kaalaman at kaalamang nalikom ng isang tao.
Sa isang pag- aaral na ginawa ni Badayos (1999) kung gagawa raw ng isang sarbey at tatanungin ang isang batang naghahanda sa pagpasok, malamang ang una nilang sasabihin kung bakit gusto nilang pumasok sa paaralan ay upang matutong bumasa.
Ang mabuting gawi sa pagbasa ay dapat malinang sa simula pa lamang ng pagbasa. Ang pagbasa ay maituturing na “Psycholinguistic Game” na kung saan ang bumabasa ay nakabubuo ng mensahe sa isipan hango sa binasa. Ang gawaing ito ay nakapagbibigay kahulugan at maituturing na isang prosesong siklikal buhat sa teksto, sariling paghahaka buhat sa teksto, maging ang pagtataya o pagpapatunay.
Masasabing gamit ang pagbasa lalong nalilinang ang apat na kasanayan: ang pakikinig, pagsulat at pagsasalita at panonood. Napatunayan sa mabisang pakikinig nagkakaroon ng mabisang pagkakaunawaan sa mga aralin na magiging daan sa pagkatuto sa pagbasa. Makikitang sa pagkatuto sa pagbasa mahalaga ang pakikinig at pagsasalita.
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng tagapagturo dahil siya ang magsisilbing gabay ng mag-aaral upang matutuhan ang pagbabasa, kaya nga ang paaralan daw ang nagsisilbing pintuang papasukin ng isang bata upang makamit ang karunungang bunga ng pagbasa. Dapat malaman ng tagapagturo ang kahalagahan na sa simula pa lamang dapat ng matutuhan ng mga bata ang magagandang gawi sa pagbasa.
Sa mundong ating ginagalawan, walang permanente kundi ang pagbabago. Kasama sa pagbabagong ito ang kalakaran sa larangan ng edukasyon. Ang edukasyon ay kinakailangang umagapay sa mabilis na pagbabagong ating mundo. Kinakailang tumugon ito sa pangangailangan ng mga mag-aaral lalo na sa aspetong pagbasa.
Huwag daw asahang ganap na maunawaan ng bata ang teksto kung ang guro ay hindi pumasa ayon sa ibubunga ng pagbasa na bumuo ng katotohanan, kahulugan, paglalapat at pakikisangkot.
Ang panawagan sa mga guro ay magkaroon ng ibang katangian sa larangan ng pag-iisip at damdamin. Kailangang iangkop ng guro ang sarili sa pagbabago at tumuklas ng pamamaraan sa pagtuturo sa pagbasa. Kailangang umagapay ng guro sa pagkakaibaiba ng pangangailangan ng kanyang mga mag-aaral. Nararapat na gumamit ng iba’t-ibang estratehiya at pamamaraang gagamitin batay sa pangangailangan ng mag- aaral.
Ang maaliwalas ding kapaligiran ay nakatutulong sa paglinang sa magandang gawi sa pangangailangang ito.
Tunay nga na napakaraming matututuhan sa pagbasa, na sa pamamagitan nito makikita ng bata ang mga pagbabago sa kanyang paligid mula sa kanyang pangalan patungo sa komunidad, patungo sa ibang daigdig.
Pinaghanguan:
Badayos, Paquito B., et al., (2000) Filipino 2 Pagbasa at Pagsulat sa Iba’t ibang Disiplina, Maynila, UST Publishing House
Bernales, Rolando A., et., (2001) Pagbasa at Pagsulat sa Iba’t ibang Disiplina, Valenzuela City, Mutya Publishing House
Rodrigo, Mercedes C. Ph.D (2009) Komunikasyon sa Akademikong Filipino, Books Atbp., Publishing Corp.