SINO SI ISA?

Post date: Jun 28, 2018 5:21:46 AM

ni Angela Rose F. Amado

COBNHS –T-III

Ang isa ay tumutukoy sa bilang o numero. Ito ang pinakamataas o pinakamababa ayon sa interpretasyon ng tao. Pero,” Ano nga ba ang Isa? Ang isa para sa akin ay hindi lamang numero; ito’y “napakahalaga at makapangyarihan” dahil ito ang humuhubog at nagtuturo sa ating pagkatao upang maging mabuting tao.

Sino ba si Isa? Isa akong guro , bilang guro napakasarap na may maiambag kang mabuting kaalaman sa iyong mag-aaral at magamit nila ito sa kanilang buhay. Napakasarap sa loob ng silid-aralan dahil iba’t ibang ugali at personalidad ang makikilala mo para kang nasa loob ng bahay ni Kuya sa Pinoy Big Brother (PBB). May drama at katatawanan na naibabahagi ang bawat isang mag-aaral. Minsan, nakakalimutan kong maging guro at lumalagay sa katayuan nila, dahil dito ako ay nagiging mag-aaral din dahil may natutunan ako sa kanila , ang magkaroon ng pakialam at simpatya sa bawat isa. Dahil bahagi na sila na aking buhay, habang tumatagal ako sa pagtuturo kapag may napariwara na isa sa kanila ito’y nagiging malaking pagsubok sa akin. Tinatanong ko ang aking sarili at tumatakbo sa isip ko. “Ano ang ginawa ko sa isang iyon? Bakit ganun? May kulang ba?”

Nakakalungkot isipin na kahit anong paraan ang gawin mo ay may kulang pa rin at may isa pa ring maliligaw, mawawala , madadapa at dapat na tulungan. Naalala ko tuloy ang talinghaga sa “Nawawalang tupa at ang Tagapastol. “Bawat isa ay kanyang iniingatan at ginagabayan , at pinoprotektahan . Hindi tumitigil ang pastol maibalik sa kawan ang nawawalang tupa.” ( Juan 10:3)

Naisip ko tuloy na dapat kong gawin yun , hanapin at sagipin ang nawawalang isa. Tulungan at magsimulang muli sa umpisa ang dating mabuting siya. Upang magtagumpay ang mabuting hangarin, kailangan ding tulungan niya ang kanyang sarili.Ika nga’y magkaisa tayo sa layunin . Masarap sa damdamin kapag may isa kang nasagip at natulungan upang maging mabuting tao. Naniniwala ako na “ang bawat isa ay dapat pahalagahan gaya ng pagmamahal ng Maykapal sa atin .”

Pero sino ba talaga si Isa? Si Isa ba ang taong nagsusulat nito o ang Isa na nagbabasa ngayon nito? Naguluhan ka rin , pero tama ang nasa isip mo hindi lang, Ako si Isa , Ikaw ay si Isa , Tayong lahat ay si Isa “na napili upang tuparin ang ating mga misyon sa mundong ito, bilang natatanging nilalang na dapat palaganapin ang mabuting Isa. Nangiti ka ano? Parang ngiti mo yan bigla o kusa na may positibong epekto sa iba na naibabahagi mo.

Makapangyarihan talaga si Isa. Kaya, bilang guro ay tungkulin kong ibahagi si Isa sa aking mag-aaral upang mapalaganap ang mabuting Isa. Dahil si Isa ay nasa atin na, nasa ating pagkatao na dapat pahalagahan. Ito’y dapat Sanayin, Paunlarin at Gawing Ganap si Isa.

Paano? Isa- ISIP, Isa- PUSO, Isa- SALITA, Isa- GAWA, at Isa- BUHAY ang MABUTING ISA….