INDIES

Post date: Apr 24, 2018 6:28:35 AM

Jocelyn A. Bustamante

Teacher III

Bataan National High School

Maraming tao sa ngayon ang bihira nang pumasok sa mga sinehan upang manood ng mga pelikulang kanilang gusto at kinahihiligang paglibangan. Bukod sa may kamahalan na ang halaga ng tiket sa sine, mas ninanais pa ng ilan na sa kani-kanilang mga bahay na lamang manood ng pelikulang nais na panoorin. Ito ay hatid ng pagsaklaw ng modernong teknolohiya sa ating panahon.

Ang pelikula ay isang uri ng sining na tinatawag nating teatro. Malawak at maraming uri ang tema na hinahatid nito sa mga masugid na manunood. May drama, aksiyon, suspense, thriller, sci-fi, komedya, musikal, kuwento ng pag-ibig, pananampalataya at marami pang iba na kinakatawan ng mga pagtatanghal sa larangan ng pinilakang tabing.

Kung susuriin, marami sa mga pelikula sa kasalukuyang panahon ang tila nalilinya na sa komersiyalismo. Komersiyal na maituturing dahil sa ang pangunahing panuntunan ay ang pagkita sa takilya. Marami rito ay ginagastusan ng malaki ang produksiyon, naglalagay ng malalaking pangalan ng artista at pinupuno ng mga grapika upang makaakit ng maraming manunood.

Bunsod na rin sa malaking gastusin na nakapaloob sa paggawa ng pelikula, marami sa mga Filipinong produksiyon ay hindi na nakasabay sa mas malalaking mamumuhunan kung kaya’t sila ay nagsara na ng tuluyan. Isa rin ito sa dahilan kung kaya tila tumamlay na ang mga produksiyong local at mga banyagang pelikula na lamang ang napapanood ng balana.

Ngunit hindi ito naging balakid upang tuluyan ng maglaho ang sining na naging bahagi na ng buhay ng mga Pilipino.

Taong 2005 ng itatatag sa Pilipinas ang Cinemalaya, isang organisasyon na nagpatuloy sa pagtataguyod ng mga pelikulang indipendyente, na kilala rin sa tawag na “indies.” Ang mga pelikulang ito ay maliit lamang ang badyet. Karaniwang maigsi kaysa sa mga kinagisnang pelikula. Masasabing muling binuhay at pinasigla ng lokal na pelikulang indies ang teatro sa Pilipinas. Bagama’t maliit lamang ang badyet, hindi nito isinakripisyo ang kalidad ng sining na dito ay nakapaloob. Sa ganitong mga palabas ay itinataguyod ang realidad ng daloy ng ating

lipunan na bahagi ng araw-araw na realistikong nagaganap sa buhay sa isang sambayanan.

Sa kasalukuyan ay unti-unti na ring pumapalaot sa pandaigdigang film festivals ang ating mga indie films. Ito ay patunay na ang mga Pilipino ay hindi pahuhuli sa pakikipagtagisan sa talino at kakayahan sa paggawa ng mga malikhaing sining sa larangan ng pinilakang tabing.

Bilang nakikiisa sa adbokasya ng pelikulang Pilipino, ating tangkilikin at itaguyod ang ating mga lokal na indies hindi dahil ito ay sa atin, kundi ito ay patunay sa mundo ng husay at galing ng Pilipino sa sining ng teatro.