PAGNINILAY SA BAGONG PANAHON
Ni: Frenlie G. Paguio
Date posted: August 14, 2020Ang ating buhay ay naapektuhan sa ibat-ibang paraan ng pagdating ng pandemyang Covid-19. Ang pagsunod sa pampublikong polisiya upang masugpo ang sakit na ito ang nagpabaligtad sa ating normal na pamumuhay. Ang bawat isa sa atin ay nagsusumikap upang makahanap ng paraan para masunod ang atas na manatili sa loob ng bahay. Ang iba ay naglalayon na sanayin ang sarili sa mga bagong pagkakaabalahan habang hindi pa pinapayagang makihalubilo sa ibang tao at ang iba naman ay sinusubukang turuan ang kanilang mga anak habang ang mga paaralan ay sarado pa. Higit sa lahat, patuloy na tumataas ang ating pagkabahala at pag-aalala na mahawahan ng “virus” habang nakikita natin bawat araw ang bilang ng mga kumpirmadong kaso at pagkamatay dahil sa Covid-19. Ang ating kalungkutan ay lalong lumalalim dahil sa mga nararanasan nating pagkamatay at patuloy na paglaban ng ating mga mahal sa buhay upang gumaling sa sakit na ito.
Nakikita natin ang iba nating kababayan, kung hindi man tayo, na nawalan ng hanapbuhay. Ang trabahong sumuporta sa kanilang pamilya sa mahabang panahon ay bigla na lamang naglaho dahil sa pagtigil ng ekonomiya upang mapigilan ang pagkalat ng sakit. Higit pa rito, tayong mga Pilipino na kilalang madasalin at aktibo sa pananampalataya ay pinanghihinaan ng loob dahil hindi parin pinahihintulutan ang mga gawaing pangsimbahan at mga pagsamba. Tayo ay nauuhaw at nagugutom sa pagkaing pangkaluluwa lalo na ngayun na limitado lamang ang ating pisikal na pagdalo sa mga misa at nagkakasya na lamang sa panonood nito sa ating mga telebisyon.
Nakakakita tayo at nakararanas ng napakaraming paghihirap sa ibat-ibang antas at ibat-ibang tao. Patuloy tayong dumadalangin at nagpupuri sa Diyos na sana ay ilayo tayo sa sakit at sa kalunus-lunos na epekto nito sa ating bansa. Dahil sa mga nararanasan nating ito, napagtanto natin na dapat tayong magpasalamat ng lubos sa mga taong nasa harapan na lumalaban sa pandemyang ito. Ang mga doktor at nars at ang lahat ng mga nagtatrabaho sa mga hospital na ibinubuwis ang kanilang buhay para masagip lamang ang mga maysakit. Sa mga taong iniiwan ang kanilang mga tahanan bawat araw at isinasaalang-alang ang kanilang kalusugan upang mabigyan tayo ng sapat na pagkain at mga pangunahing pangangailangan. Ang mga tindera sa pamilihan, drayber, manggagawa sa pabrika at mga taga deliber - lahat sila ay ginagawa ang kanilang parte upang makatagal pa tayo at patuloy na makapamuhay sa ating bagong pansariling reyalidad.
Sa kabila ng lahat ng kahirapang ito, nasaksihan natin ang pagbangon ng mga gawaing bolunterismo at pagtulong sa kapwa sa ating mga komunidad. Mula sa boluntaryong paggawa ng mga mask, paghahanda ng mga pagkain para ibigay sa mga hospital hanggang sa pagtutulong-tulong upang makalikom ng pera para sa mga taong walang kakayahang magbayad sa mga hospital. Sa kabila ng pighati at kalungkutan, palagi tayong may nasisilip na magandang bagay na ating natutunan at nakatutulong sa atin upang magpatuloy. Ang krisis na ito ay hindi dapat maging iba. Patuloy tayong babangon. Naranasan natin ang mapait na pakiramdam na parang kunukulong tayo sa ating mga sariling tahanan. Natutunan nating mabuhay sa lungkot sapagkat malayo tayo sa presensya ng ating mga kaibigan at kapitbahay. Natutunan nating malayo sa ating pamilya at hindi madama ang kanilang yakap. Habang tayo ay nasasabik sa kanila, natutunan din nating yakapin ang katotohanang ito ang siyang magliligtas sa bawat mahal natin sa buhay.
Nararapat nating paigtingin ang ating pagmamahal sa kapwa sa kabila ng ating mga nararanasan. Bilang mga taong may pananampalataya at takot sa Diyos, nararapat at kailangan tayong magtaglay ng kababaang-loob at higit na makisimpatya sa mga taong humaharap sa labis na kalungkutan at pagdadalamhati. Ang ating nararamdaman ay dapat na maging ningas na magpapaalab sa sulo ng ating pag-asa na makatulong sa mga taong nalulumbay at nawawalan ng lakas upang lumaban.
Sa likod ng maitim na ulap, kailangan nating hanapin ang layunin na maaring magdala sa atin ng panibagong buhay at pag-asa. Kailangan nating pansamantalang itago ang mga damdaming lumulukob sa ating pagkatao sa ngayon. Ikulong sila sa ating mga kaisipan at ihimlay sa ating mga puso upang sa tamang panahon ay pakawalan at palayain ito kapag ang lahat ng ito ay natapos na. Hanapin ang napakahalagang elemento ng oras upang igugol sa mga taong nangangailangan nito. Dapat nating gamitin ang ating kalungkutan na panghikayat sa ating mga sarili upang maging matatag hnggang sa huli. Huwag nating hayaang mayroon pang madapa at mawala ng hindi pa panahon. Siguraduhin nating makapagdadala tayo ng buhay at mabubuhay para sa isat-isa.
Higit sa lahat, huwag nating kalilimutan ang magdamayan at ipanalangin ang bawat isa. Hindi ito laban ng isa kundi laban ng lahat. Ang pisikal na katawan ay manghihina subalit kailan man, ang espiritu ay mananatiling malakas at matatag.