Pambubulas
Post date: Apr 30, 2018 6:02:46 AM
Ni: Camille P. Tipay
Teacher I - BNHS
Napakapamilyar na salita
Na laging naririnig at nakikita
Sa telebisyon man o social media ay nakabandera,
At lahat ng tao ay naging biktima,
Nitong Bullying o Pambubulas na tumatagos sa isang indibidwal sa pinakamalalim nilang sistema.
Salita ay isang instrumento
Para baguhin ang isang tao,
Patungo sa magandang pagbabago,
Subalit ngayon sa ating ginagalawang mundo
Ang mga salita na ang isa sa sumisira ng pagkatao.
Mga salitang kaypait
Na madalas na sinasambit
Lalo na ng mga taong walang bait
At nagdadala nang walang kapantay na sakit.
Kaya naman kung mamarapatin
Mga salita’y pakaisipin
Pagkat ‘di mo namamalayan
Na ang taong pinagsasalitaan
Iniisip na pala ang kanyang sariling kamatayan.
Nanaisin mo pa bang ang mga salita ang magiging sanhi
Nang pagkawala ng isang tao dahil sa masama mong budhi?
Makakatulog ka pa ba nang mahimbing?
Habang alam mo na dahil sa iyo may isang tao na nakalibing……