Pagtutulungan ng Pamilya, Paaralan at Lipunan tungo sa Tagumpay ng Isang Mag-aaral
Post date: Apr 4, 2014 6:47:21 AM
Ni: Dennielyn S. Izon
Ang tagumpay ng lahat ng mag-aaral ay sinusuportahan ng bawat pamilya, paaralan at lipunan na kung saan magkatuwang na kumikilos sa isang tunay na pagtutulungan. Ayon sa mga mananaliksik, ang pamilya ang pangunahing susi sa pang akademikong pag-unlad ng isang mag-aaral. Ang paaralan naman ay isang lugar kung saan itinuturo at pinag-aaralan ang mga akademikong makatutulong sa motibasyon at pag-unlad ng isang mag-aaral. Ito ang magbibigay edukasyon sa bawat isa upang pataasin ang kanilang kaalaman na kung saan nag uumpisa ang pag-unlad ng bawat mamamayan na siya ring ikauunlad ng lipunang ating ginagalawan.
Ang suporta ng pamilya ay bahagi ng paghubog sa tagumpay ng isang mag-aaral. Bilang magulang, malaki ang ating impluwensiya sa mga saloobin ng ating mga anak tungo sa pag-aaral sa paaralan at tagumpay sa hinaharap. Kapag nakikisangkot tayo sa pag-aaral ng ating mga anak mula kindergarten hanggang sa mataas na paaralan, pinagkakalooban natin sila ng mahalagang panimula sa paaralan at sa buhay. Binibigyan natin sila ng positibong saloobin tungkol sa paaralan, mas matagumpay sa mga takdang aralin, mas palagiang pagpasok sa paaralan, mas kaunting problemang pang kaugalian, mas mataas na antas ng mga nakakapagtapos sa mataas na paaralan, isang maaliwalas na hinaharap para sa mga mag-aaral sa paaralan at sa buhay sa kalaunan, at higit sa lahat mga pagkakataong makasangkot tayong mga magulang sa buhay ng paaralan at lipunan.
Layunin ng paaralan hubugin ang kaisipan at kaugaliang taglay ng bawat isa. Dito lalong nahahasa ang kakayahan at talinong mayroon ang isang bata. Layunin rin ng paaralan na tulungan ang mga bata na gamitin ang kanilang nalalaman sa pamamagitan ng pagturo ng mga ibat- ibang bagay. Kasamang nahuhubog dito ang sariling disiplina, katatagan at pagtitiyaga na magpapatibay at makatutulong sa kanilang pagharap sa hamon ng buhay.
Ang lipunan ay samahan ng mga tao, at pag-uugnayan sa pinagkakasunduang sistema at patakaran. Ang layunin ng lipunan ay kabutihang pangkalahatan, kabuuang kundisyon ng lipunan at kaganapan ng bawat kasapi na kung saan katuwang ang pamahalaan at mga tao sa pagbuo ng maayos at maunlad na lipunan na makatutulong sa tagumpay na hinaharap ng isang mag-aaral.
Kung may pagtutulungan hindi malilimitahan ang pagkatuto ng bawat tao sa isang bansa. Ang pagtutulungan sa pagitan ng pamilya, paaralan at komunidad ang susi sa motibasyon at tagumpay ng isang mag-aaral.