Sa Puso Ng Isang Guro
Post date: Mar 29, 2016 5:31:17 AM
Ni: Sheila M. Corpuz T-III
M. Delos Reyes Mem. E/S
Guro, Maestro, Maestra, Titser, Sir o Ma’am ibat-ibang katawagan at ibat-ibang katauhan. Madalas ang mga salitang ito ay maririnig mo sa apat na sulok ng paaralan. Ang ibang mag-aaral kung minsan sila ay nakikilala batay sa kanilang kilos, pananamit o pag-uugali. Ngunit, gaano mo nga ba kakilala ang iyong guro? Sumariwa sa aking isipan ang aking kabataan noon tungkol ito sa mga bagay bagay na aking namatyagan sa aking mga naging guro. Kleng..kleng..kleng tunog ng maliit na kampana hudyat na upang pumila ilang hakbang papasok sa silid aralan. “Magandang umaga Po” ang sabay sabay na binigkas naming mga mag-aaral nang may kagalakan. Ngunit si Maestra dinaig pa ang tilaok ng manok sa umaga. “Pedro! Bakit hindi mo winalis ang ating hardin?”,pingot duon, pingot dito. “Juan, Hindi ka na naman gumawa ng takdang aralin!” pak! pak! pak! tatlong palo sa kamay ang aming nadinig. Ilan lamang iyan sa mga bagay na nagpapagalit sa aming guro. Isa pa sa aking napansin si Titser, may bitbit na ice box patungo sa kantina oras na pala ng meryenda. Ang ilang piraso ng papel na gamit na ay nakahanda na. “Titser, pabili po ice candy yung chocolate po”, ang sabi ni Lito at sa gamit na papel ay doon dahang-dahang ibinalot ni titser ang ice candy ni Lito. Si titser abalang-abala sa pagtitinda kahit siya ay nalimutan na niyang mag meryenda. Ala sais na ng hapon kung kami ay pauwiin, ayon kay Ma’am hindi lalabas ng pinto ang hindi makakabasa, hindi uupo ang hindi makakabilang at ang ayaw magsulat, sa pisara haharap. Ang mga pangyayaring iyon ay naging isang malaking tanong sa aking murang isipan. Bakit si guro ay ganito? Bakit si Ma’am ay ganun?
Hanggang sa lumipas ang panahon, ang aking mga katanungan ay hindi nabigyan ng kasagutan. Nakakatuwang balikan ang aking mga nasaksihan at naranasan sa panahon ng aking kabataan. Sa iba, marahil tumimo iyon nang hindi maganda sa kanilang isipan ngunit para sa akin ngayon ko lamang sila nauunawaan at unti-unting nagkaroon ng kasagutan ang mga tanong noong aking kabataan. Hindi ko inaasahang na ako ay tutungtong muli sa apat na sulok ng paaralan pagkatapos ng mahabang panahon ngunit hindi bilang isang mag-aaral ngunit bilang isang ganap na guro. Bakit si Maestra ay namimingot kung hindi nawawalisan ang hardin? dahil sa kagustuhan niyang ang bawat isa sa amin ay matuto ng kalinisan, pagmamahal sa kalikasan at pagkukusa sa anumang gawain. Bakit si Juan ay napalo noong hindi gumawa ng takdang aralin? Dahil gusto ni Maestra na aming maipagpatuloy at maisagawa ang mga bagay na aming nasimulan. Bakit si Ma’am ay hindi maagang nagpapauwi? Dahil kami ay kaniyang hinuhubog at inihahanda sa pagharap sa hamon ng buhay. Ngunit bakit si Titser ay nagtitunda sa kantina? dahil si titser ay isang magulang na kumakayod para sa kanyang pamilya upang may maipangdagdag sa kakarampot niyang kinikita at upang maibahagi din sa ibang bata ang tinapay o mainit na sopas sa kumakalam nilang sikmura. Naging maliwanag ang lahat sa akin na ang pagiging guro ay hindi madali. Ang iyong dugo at pawis ay ilalaan para sa mga batang naka-abang sa bagong matututuhan at sa kagustuhan ng isang guro na ang mga batang dadaan sa kanilang mga kamay, balang araw ang siyang magiging sagot sa marami pang katanungan. Sa puso ng isang guro ang lahat ng kanyang ginagawa ay para sa bata, sa Bayan sa pamilya at para sa Diyos na siyang gabay at huwaran natin.