Stress o Tensiyon sa Opisina

Post date: Mar 17, 2014 8:36:38 AM

(by: Mylen D. Due)

Ayon sa mga eksperto ang stress o tensiyon ay ang pagtugon ng ating katawan sa mga pangangailangang pangpisikal, pangkaisipan, ispiritwal at emosyonal na aspeto. Ito ay hindi problema na nasa isip lamang. Ang ating katawan ay may pangkagipitang pagtugon sa nangyayari kapag tayo ay nakararamdam ng tensiyon o stress.

(Homesick ka ba? Pasok Nah Retrieved February 27, 2014 from www.facebook.com)

Maraming dahilan kung bakit tayo ay nakararamdam ng stress o tensiyon. Halimbawa na dito ay ang stress sa pook na pinapasukan tulad sa opisina ng Kagawaran ng Edukasyon.

Ano-ano nga ba ang maaaring dahilan ng ating stress o tensiyon sa opisina?

Ø Tambak na trabaho ang kailangang gawin o tapusin

Ø Biglaang pagpapasa ng mga reports

Ø Hindi pagkakaunawaan ng opisyal at kawani

Ø Mga di-kanais-nais na pananalita ng opisyal/nakatataas

Ø Di-maiwasang problema sa bahay na nadadala hanggang pagtratabaho

Ø Mali-maling report na ipinapasa sa opisina

Ø Hindi maayos at di- malinis na lugar na pinapasukan

Ø Magkakaibang paniniwala

Ø Kawalan ng respeto ng kawani sa nakatataas

Ø Hindi pantay na pakikitungo ng iba sa kapwa kawani

At dahil sa alin man sa mga dahilang ito, maaaring makaranas ng isa o higit pa sa mga sumusunod:

Ø Pagkabalisa

Ø Mabilis na pagtibok ng puso o hirap sa paghinga

Ø Pagpapawis ng bahagi ng katawan

Ø Pananakit ng ulo

Ø Pagkagalit, pagkainis o pagkalungkot

Ø Pangangalay o pananakit ng leeg, balikat at likod

Ø Kawalan ng gana sa pagkain

Ø Pagtaas ng presyon ng dugo

Ø Pagkasira ng tiyan

Ø Pagkahapo

Ø Kawalan ng konsentrasyon sa ginagawa

Ø Paghina ng resistensiya

Mahalaga na matukoy natin ang pinagmumulan ng ating stress ng sa gayon ay maiwasan o mahanapan natin kaagad ng solusyon kung paano ito matutugunan upang hindi na negatibong maapektuhan ang ating mga ginagawa at mga kaopisina.

Narito ang ilang suhestiyon kung paano maiiwasan at magagawang positibo ang stress o tensiyon sa opisina:

Ø Palaging magdasal sa Panginoong Diyos

Ø Mahalin mo ang iyong kapwa

Ø Maging positibo sa lahat ng pagkakataon

Ø Kumain nang tama sa oras

Ø Pumikit ng mga 5 minuto at panandaliang isandal ang likod at saka mag-inhale at exhale

Ø Iwasang magsalita o gumawa ng mga bagay na maaaring makapanakit sa ating kaopisina

Ø Panatilihing maayos, organisado at malinis ang iyong lugar na ginagalawan

Ø Ugaliing ngumiti at tumawa

Ø Pag-usapan nang maayos kung may hindi pagkakaunawaan

Ø Maging pantay-pantay ang pakikitungo sa bawat isa

Ø Maging kalmado sa lahat ng oras

Ø Matutong gumalang sa nakatataas

Ø Makinig sa suhestiyon ng lahat

Ø Tumulong sa lahat ng nangangailangan nang buong puso

Ø Mag-ehersisyo

Ø Tanggapin ang kamalian at subukang itama ito

Sa napakaraming aspeto ng ating buhay malaki ang nagiging epekto ng stress o tensiyon. Kinakailangan natin itong matutuhang kontrolin upang tayo ay maging masaya, kuntento, malikhain at maging produktibo sa opisinang pinapasukan.

Bagaman walang perpektong pook na pinapasukan, ang pagkakaroon ng positibong saloobin, pakikipagtulungan sa kapwa at sa paggabay ng Dakilang Lumikha ang pangarap na magkaroon ng opisinang stress free ay hindi imposibleng makamtan.

Kaysarap mapabilang sa isang opisinang STRESS-FREE!