Edukasyon: Tungo sa Pag-unlad
Post date: Mar 28, 2017 12:26:42 PM
Ni: Due-Anne L. Tolentino
Maliit pa lang ako, madalas ko nang tanungin ang aking sarili, ano nga ba ang edukasyon, at ano ba ang kahalagahan o katuturan ng sinasabi nilang edukasyon. Bakit ba tayo nag-aaral at bakit kailangang bigyan ng halaga ang pag-aaral? Subalit hindi ko pa rin nababatid ang mga kasagutan sa sarili kong tanong, hanggang sa napagtanto ko na ang edukasyon pala ay unang hakbang upang maabot ang lahat ng mithiin sa buhay. Sa wakas, nalaman ko na din, subalit napakatagal na panahon bago ko nalaman ang kasagutan. Ngayon ko na rin napagtanto na kung wala palang edukasyon ay hindi uunlad ang ating bansa at maraming ileteradong tao ang uusbong at maaari ding dumami ang magdadanas ng hirap.
Oo, edukasyon nga ang siyang pundasyon sa pag-unlad, na siya ring magiging daan tungo sa ating hinaharap, na para bang isang kandila o ilaw na tumatanglaw sa ating daraanang pagsubok tungo sa pag-unlad. Hindi ba’t ang kandila o ilaw ang nagsisilbing liwanag sa pagtahak sa madilim na landas, gayon ang edukasyon. Subalit paano natin ito makakamit, ito’y hindi simpleng bagay lamang na madaling maabot at marating, ito’y labis na napakatayog at napakataas. Oo, napakatayog sapagkat bago mo ito marating ay kailangan mo ng lubos na pagsisikap at pagtitiis. Hindi ba’t ang pagsusumikap sa pag-aaral at pag sisikap na magkaroon ng kagandahang asal at pagtitiis sa lahat ng pagsubok na ating kinakaharap ay siyang daan tungo sa edukasyon. Kaya’t lagi na tatandaan na higit na kailangan ang edukasyon kaysa sa ibang bagay at hindi hadlang ang kahirapan upang makamit ito.
Kadalasan pa nga’y ang kahirapan ang siyang pinakamahalagang pundasyon ng bawat isa upang makamit ang mga pangarap sa buhay. Kaya ito na ang pagkakataon upang guminhawa ang buhay ng tao na parang gulong, minsan nasa ibaba at minsan ay nasa taas, kung gayon ang edukasyon ang susi ng tagumpay, kaya’t mag isip ka, magbalak at kumilos na naaayon sa iyong kalooban upang makamit ang iyong pangarap at layunin. Oo, Edukasyon ang siyang susi sa tagumpay at iyan ang magiging sandigan na ng matatag na bansa, tungo sa pag-unlad!