“Klase-Serye”
Post date: Nov 9, 2015 1:16:33 AM
Jenny C. Mangawang
T-I, COBNHS
Bago pa nauso ang PABEBE sa tv, ginagawa na iyan sa klase. Sila ang mga estudyanteng kapag tinanong mo, ngiti ang isasagot sa iyo. Ang iba naman, akala mo nagtataas ng kamay iyon pala gustong kumaway dahil si ‘crush’ ay natanaw.
Iba-iba ang nagaganap sa classroom araw-araw. Mga daldalang walang katapusan, ingay na umaalingawngaw, at mga batang parang kiti-kiti kung gumalaw. Mayroon namang pagkakataon kung saan ang lahat ay abala sa ginagawa, biglang may sisigaw dahil hindi daw siya sanay sa ganoong katahimikan. Ano ito, baliw-baliwan lang? Ang iba naman feeling action star. Matitigan lang, naghahamon na nang suntukan. Kapag naman ipinatawag ang magulang, bigla na lang iiyak at magdadrama sa iyong harapan. Kesyo wala na silang magulang o kaya naman busy si daddy at mommy. Pero madalas, ang ganitong alibi hindi na binibili. Kung wala ang magulang, puwede naman ang guardian.
Karaniwan na ring tagpo kapag bigayan ng report card, ang class record nila Sir at Ma’am ay nakaladlad. Isa-isang ipinapaliwanag kung bakit may mga bata pa ring bumabagsak. Kaya lang may mga magulang na hindi matanggap. Katwiran nila, lagi namang pumapasok ang kanilang anak. Kapag pumapasok, pasado na? Ano ito?!? Iba ang pumapasok araw-araw sa tunay na nag-aaral. Dahil ang grade pinaghihirapan. Ang pagkatuto, pinagsisikapan. Aanihin naman ito sa tamang panahon. Pero kailan ang tamang panahon lalo na sa mga batang tila walang ambisyon? Ang bawat magandang pagkakataon ay laging tamang panahon lalo na kung ito ay pagtutuwid sa maling aksyon.
Subalit paano nga ba didisiplinahin ang mga bata? Madalas kasi headline sa balita: Si Ma’am, nanakit ng bata. Hindi ko kinikilingan ang ganitong gawa. Kaya lang, kapag bata ang agrabyado, guro agad ang abusado dahil sa edited na video?Pero mayroon bang nagtanong ng buong kwento? May mga bata kasi na kapag napapagalitan dahil sa maling ginawa, ang pakiramdam nila kinakawawa sila at ipinapahiya. Pero alin ang mas nakakahiya, ang ituwid ang iyong maling gawa o ang kalimutan ang tamang-asal kahit na ikaw ay bata?
Nakakalungkot mang isipin subalit dahil sa pagdidisiplina, may mga magulang o guardian na sumusugod sa paaralan. Ang lakas ng loob na sigawan sina Sir at Ma’am. Lagi pang ipinapanakot, magsusumbong sila sa Imbestigador, T3, at kung anu-ano pang sumbungan ng bayan. “Eh, ‘di wow!”
Kung makakaharap ako ng ganitong mga magulang, sasabihin ko sa kanila ng harapan, “Ang kagandahang-asal, natututuhan sa tahanan at ipinapakita kahit saan lalong-higit sa paaralan. Dahil ang magagandang gawi na ipinunla ninyo sa inyong mga binhi(anak), magiging bahagi ng kanilang mabuting pag-uugali.”
Kung tutuusin, kaming mga guro ang tunay na YAYA. Hindi lang tagapag-alaga sa mga batang tila kinapos sa pag-aaruga. Kami ang nagYAYAman sa kanilang karunungan. Lagi rin kaming narito na YAYApos kapag sila ay nakakaranas ng kalungkutan sa buhay. Higit sa lahat, niYAYAkap naming mga guro ang aming tungkulin at responsibilidad anuman ang aming pagdaanan. Dahil ang misyon namin sa buhay, gabayan ang mga kabataan sa pagbuo ng maayos at maunlad na lipunan.