BUHAY SA PANAHON NG PANDEMYA
Ni: Frenlie G. Paguio
Dated posted: August 14, 2020Tumunog ang orasan. Sumilip na ang araw. Ang dating nag-uunahang mong mga paa sa paglakad upang makapasok sa opisina ay biglang bumagal. Ang dating mong mabilis na kilos upang makasakay ng pampublikong sasakyan ay tila nawalan ng sigla. Nakahiga ka pa rin sa iyong kama. Nakatuon ang mga mata sa kisame at nagmumuni-muni. Hindi nga pala pinapayagang pumasok ngayon ang lahat sa opisina dahil sa pandemya. Maaari lamang pumasok ang mga malalakas ang katawan at sa mga piling araw lamang. Ngumiti ka. Ito ang matagal mo ng pinakakaasam-asam. Ang magkaroon ng pahinga sa araw-araw na pagtatrabaho at pagpasok sa opisina. Ang nakakapagod na gawaing pilit mong tinatapos upang sa kinabukasan ay may panibago na namang gawin. Ang paulit-ulit na buhay na parang wala ng pagbabago at walang katapusan. Ngunit ngayon, biglang nagbago ang lahat. Sa isang iglap. Tumigil ang lahat ng bagay.
Tumayo ka at sumilip sa bintana. Wala na ang maiingay na sasakyan. Wala na ang mga busina sa kalye. Wala na ang mga nagliliparang usok. Hindi na pumapailanlang ang ingay dulot ng mga sasakyan sa kalye. Nawala na ang siksikan at mahabang traffic. Tila tumahimik ang mga kalsada. Mangilan-ngilang sasakyan na lamang ang makikita sa daan patungo kung saan. Ang ibat-ibang uri ng tunog sa labas ay biglang nawala. Ang sementadong kalsada ay tila isang mahabang lakbayin. Nagmamatyag sa mga dadaan.
Iginala mo ang iyong paningin sa mga kabahayan. Wala ni isang tao sa labas. Ang lahat ng pinto ng bahay ay nakapinid. Tila may isang kalamidad na anumang oras ay darating. Wala na ang mga tambay sa labas na dati rati ay nagkukwentuhan na sa labas hindi pa man tumitilaok ang manok at nagtatawanan ng malakas. Wala na ang mga nag-iinuman sa kanto. Ang lahat ay nasa loob ng bahay. Natatakot. Nagtatago. Nag-aabang. Wala na ang ingay ng mga batang naglalaro sa daan. Tanging mga barikada lamang ng mga tanod sa bawat labasan ang iyong namasdan. Nagbabantay sa bawat papasok at lalabas.
Bumalik ka sa iyong sala at nagbukas ng telebisyon. Napanood mo sa balita na ipagpapaliban ang pagbubukas ng klase sa mga paaralan. Na ang mga bata ay sa loob ng bahay na lamang mag-aaral. Na hindi muna sila pinapayagang pumasok sa eskwela. Sila ay tuturuan na lamang ng kanilang mga guro sa pamamagitan ng internet. Sa kauna-unahang pagkakataon, walang bata ang makikita sa loob ng silid-aralan. Walang guro ang papasok na ng maaga upang magsulat sa pisara at magturo sa mga bata.
Ayon pa rin sa balita, maraming mga istablisyemento ang nagsara. Ang mga pook panglibangan, parke at pasyalan ay hindi na maaring puntahan. Ang dating mga lugar kung saan maraming taong nagsasaya ay biglang nawalan ng sigla. Tila naguhong mga gusaling napaglumaan ng panahon.
Nakita mo rin ang maraming pasyenteng dinadala sa mga pagamutan. Ang mga doktor at nars na halos walang pahinga matugunan lamang ang pangangailangan ng mga maysakit. Bumulaga sa iyo ang kalagayan ng mga hospital na halos puno na dahil sa dami ng mga nagkakasakit. Tumambad sa iyo ang mga pasyenteng nakahiga na may mga tubo sa bibig. Mag-isa. Bawal lapitan ng pamilya. Para kang nahintakutan sa iyong nakita kaya isinara mo na ang telebisyon.
Naalala mo may gagawin ka pa pala. Kahit nga pala nasa bahay kalang, kailangan mong matapos ang iyong gawaing pang opisina. “Work from home” ang bagong tawag nila kung saan hindi ka pisikal na papasok sa opisina subalit magtatrabaho ka pa rin habang nasa loob ng bahay. Minsan naiisip mo kung nakabuti ba ito sa iyo dahil hindi mo na kailangan pang gumising ng maaga at makipag unahan makapasok lang sa opisina o nakasama lamang ito dahil imbes na magpapahinga kana lang sa bahay ay magtatrabaho kapa. Hindi mo na alam ang pagkakaiba ng trabaho at bahay.
Pero sa isip mo ayos lang, may trabaho parin ako. Nakakakain pa rin sa oras ang aking buong pamilya. May pera pa akong pambili ng aming pangangailangan. Nabibili ko parin ang mga gusto kong bilhin. Maaari akong magtrabaho sa oras na gusto ko. Walang magmamando sa akin. Hindi ako magmamadaling matapos ang mga dapat tapusin. Hindi ako apektado ng pandemya.
Subalit ang iyong matamis na ngiti kanina ay biglang napalitan ng pagkabagabag. Naisip mo na sa panahong ito maraming mga kumpanya ang nagsara. Marami ang nawalan ng trabaho. Marami ang nagugutom. Paano kung isang-araw, magising ka na wala ka na rin palang pagkakakitaan. Paano kung isang-araw, isa sa miyembro ng iyong pamilya ang maysakit? Paano kung isang-araw, nagpapalimos kana rin sa lansangan?
Hindi ka man apektado sa ngayon alam mong darating ang panahon, kapag nagpatuloy ang pandemya, unti-unting babagsak ang ekonomiya ng bansa. Mapipilitang magsara kahit ang pinakamalalaki at pinakamatatatag na mga kumpanya. Kapag dumami ang maysakit, babagsak ang sistemang pangkalusugan ng bansa. Magkakaroon ng kaguluhan. Babagsak ang gobyerno.
Bigla, nagising ka sa katotohanan. Na ang buhay sa panahon ng pandemya ay hindi madali. Hindi dahil sa hindi ka apektado ay wala kanang pakialam. Hindi dahil sa hindi mo dinaranas ang paghihirap ng iba ay magsasawalang kibo kana lamang. Hindi dahil sa walang nagkakasakit sa iyong pamilya ay hindi kana tutulong sa iba. Alam mo na mayroon kang magagawa. Kahit sa maliit na paraan.
Hinarap mo ang mga trabahong kailangan mong tapusin. Ngayun alam mo na kung ano ang dapat mong gawin. Nagbigay ito ng panibagong lakas sa iyo. Babangon ka! Magsisimula! Lalaban! Magpapatuloy! At tumunog muli ang orasan.