PUDPOD NA TSINELAS

Post date: Sep 9, 2014 5:43:30 AM

Isinulat ni Isabelita Reoperez-Chiuco, City of Balanga National High School

Isang pamilyar na tugtugin ang maririnig sa kapaligiran, ang graduation march. Kaagapay ang kanilang mga magulang, marahang lumalakad ang mga magsisipagtapos patungo sa mga upuang nasa harap ng entablado, kasunod ang mga guro, panauhing tagapagsalita, punong- guro at mga opisyal ng DepEd.

Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ang bawat pagtatapos ay isang okasyon na hinihintay ko nang may halong pananabik at kasiyahan. Masigla akong nagmamasid. Gumagala ang aking paningin sa mga magulang at magsisipagtapos. Batid kong natatangi at namumukod ang gabing ito.

Napukaw ang aking atensyon nang magsalita ang panauhing pandangal,

“ Magandang gabi sa inyong lahat! Nais kong ipahatid ang aking pagbati sa mga magsisipagtapos, lalo’t higit sa inyong mga magulang, CONGRATULATIONS !” ang simula niya. Patuloy niya, “ Tatlumpung taon na ang nakalilipas, katulad ninyo ngayon ay sinasaksihan ko ang aking pagtatapos sa high school. Sa kabila ng karangalang tatanggapin ko sa gabing iyon, hindi lubos ang aking kasiyahan, sapagkat nasa aking puso ang pangambang baka iyon na ang huling pagtatapos na aking mararanasan. Mula ako sa isang simple, masasabi kong salat na pamilya. Mangingisda ang aking ama at labandera ang aking ina.”

Habang nakikinig ako sa kanyang pagsasalita, nangingilid ang aking luha.

Isa-isang nagbabalik sa aking ala-ala ang kahapong ibang- iba sa kung ano kami ngayon.

Parang muli kong tinahak ang mga kilometrong nilalakad naming magkakapatid upang marating ang paaralan. Lakad sa init ng araw. Lakad habang umuulan, suot ang unipormeng pinaglumaan at ibinigay lang ng kapitbahay, pudpod na tsinelas o kung minsan ay sapatos na halos humiwalay na ang swelas. Bitbit ang ilang pirasong kuwaderno at maikling lapis na nakasilid sa isang fishnet o supot ng bigas na nagsilbi naming bag. Baon lamang ang munting pangarap na balang araw magbabago ang lahat. Kumakalam man ang tiyan, ngunit ang isipan ay pilit na binubusog ng karunungan. Kung gaano kakulimlim ang aming mga araw dahil sa hirap, higit na madilim ang mga gabi, sapagkat madalas ubos na ang kandila o walang gaas ang gasera upang magbigay liwanag sa aming tahanan. Isang poste ng ilaw sa daan malapit sa aming bahay ang tumanglaw sa mga takdang-aralin na nangangailangang masagutan. Madilim ang gabi, subalit ang pag-asa ay singkislap ng mga bituin sa langit na aming tinatanaw habang gumagawa ng mga takdang-aralin.

Magkakatulad ang mga ala-ala mula elementarya hanggang kolehiyo. Ala-ala ng kahirapan na nakatatak maging sa aming kaanyuan, sunog na balat, buhaghag at malagkit na buhok dahil sa madalang masayaran ng shampoo at payat na pangangatawan marahil sa kakulangan ng masusustansiyang pagkain sa hapag-kainan.

“ Hindi mo kasalanan kung isinilang ka na mahirap, subalit malaking kasalanan kung mamatay ka na mahirap. Bakit? Sapagkat wala kang ginawa para mabago ang buhay mo,” dagdag ng panauhing tagapagsalita.

Patuloy ako sa pakikinig sa kanya. Hindi ko namalayan na pumatak ang aking luha. Marahil ay luha ng kagalakan at pasasalamat. Napagtanto ko na noong inakala ko na sagad sa buto at tagos hanggang kaluluwa ang aming kahirapan, nagkamali pala ako.

Mayaman pala kami, hindi sa materyal na bagay o pera. Oo,mayaman kami sapagkat natagpuan namin o sadyang ibinigay ng Diyos sa amin ang mga taong hindi nagdamot ng tulong at mga gurong naniwala sa aming kakayahan . Mayaman pala kami sapagkat sa limitadong abilidad ng aming mga magulang pinilit at sinikap nilang gabayan kami sa landas na gusto naming tahakin. Mayaman kami sa mga kaibigang nagmalasakit sa amin. Mayaman kami sa determinasyon at aral sa buhay. Higit sa lahat mayaman kami sa biyaya ng Diyos, dahil hinayaan niya kaming mangarap nang “LIBRE “ habang unti–unti Niyang inaakay kami sa landas upang matupad ang mga simpleng mga pangarap na ito.

“ Kung ano ako ngayon ay bunga ng pagsisikap, pagtitiyaga, pananalig sa Diyos at higit sa lahat sa tulong ng mga taong tinuturing ko na tunay na bayani, mga buhay na bayani! Kahit kailan, kahit na anong sitwasyon hindi matitinag ang pusong Pilipino. Sa anumang kalagayan, may tutulong at dadamay. Isang hamon ang iiwan ko sa inyo. Ang kahirapan ay hindi hadlang upang makamit ang iyong mga pangarap. Muli ang aking pagbati sa inyong pagtatapos. Magandang gabi at maraming salamat po,” ang pagwawakas niya.

Isa itong ordinaryong kwento na marahil maraming beses na nating narinig. Isang pangkaniwang kuwento ng isang mag-aaral na salat sa buhay, nangarap at nagsikap.

Kung ano ang espesyal sa kuwento na ito at kung sino ang tunay na bida ay hindi ang mag aaral na nangarap at nagtagumpay. Isa lamang siya sa mahalagang tauhan ng kwentong ito. Bagkus ang tunay na bida ay ang mga taong bukas ang palad na tumulong, naniwala at nagbigay ng inspirasyon. Maaaring sila ang kapitbahay, kamag-aral, mga guro, mga samahang nagbibigay ng scholarship o isang simpleng kaibigan na tunay na maaasahan. Sila ang mga buhay na bayani. Sabi nga, kapag binigyan ka ng pagkakataon na makatulong huwag mo itong ipagdamot. Kung nakatanggap ka naman ng tulong, tumulong ka rin sa iyong kapwa. Walang maliit o malaking tulong, pantay-pantay lamang ang kabutihang hatid nito.

Kung ang bawat isa sa atin ay magiging buhay na bayani, marahil ang bawat PAGTATAPOS ng isang mag- aaral na may munting pangarap ay magiging PAGSISIMULA ng isang magandang bukas.

( Ang panauhing tagapagsalita ay ang aking nakatatandang kapatid at ito ang aming kwento.)