LODI KO SI MAM!

LODI KO SI MAM!

Teacher II - T. Camacho Sr. Elementary School

Date posted: Mar. 26, 2019 | 9:43 PM

Sino ba ang idol mo? Ito ba ay si Darna o Batman? Ang mga superheroes na may taglay na lakas at kapangyarihan. Subalit alam ba ninyo may isang superhero na may higit ding kakayahan na hindi kayang gawin ng iba. Lahat ng gawain na nasa kanya ay ibinibigay di tinatanggihan. Kaya niyang labanan at malampasan ang mga iba’t ibang hamon ng buhay. Siya’y maikukumpara sa iba , doktor din kapag maysakit sa kanyang mga mag-aaral di siya mapakali at alalang-alala. Minsan karpintero din sapagkat kung may makitang sira sa loob ng silid aralan tiyak na aayusin niya agad. Siya rin ay tagapagtangol sapagkat namamagitan sa anumang suliraning nangyayari sa kanyang silid-aralan.

Unang kita pa lang, malalaman mo na, pagkat ang kanyang mga mata ay may dakilang pagpapala. Bawat kumpas ng mga kamay, disiplina ang dala. Wika mula sa labi, tiyak nagpapasaya .Sabi nila, siya ang ating pangalawang ina. Subalit sa mata ng iba tunay siyang dakila, tagapayo, tagapagturo at tunay na kaibigan. Tunay na maasahan, magpakailanman

Hiling sa Maykapal taglay niyang kapangyarihan hindi mawawala, upang marami pang bata ang sa kanya ay mamangha! Kinabukasan ng batang mag-aaral ay nakasalalay sapagkat ang pagtuturo hindi lamang galing sa aklat anupa’t mula sa kanyang pusong dalisay.

Lodi ko si Mam! yan ang ipagmamalaki mo. Mamahalin nang lubos sa kanyang pagkandili. Igagalang ang habilin at payo’y susundin palagi. Pagkat alam namin ang pagtulong niya’y pangarap makakamit.