Walang Bakasyon ang Edukasyon

Post date: Jun 13, 2017 5:08:49 AM

Ni : Medina R. Failagao

T-III

Bataan National High School

Martes, Abril 18. Gabi.

Nasa loob ako ng aking kwarto, matiyagang naghahanda para sa darating na remedial classes sa sampung mag-aaral na tuturuan ko ng Ekonomiks. May halong kaba dahil isa ako sa tatlong guro na naatasan magturo sa kanila ngayong bakasyon. Alam kong hindi ito madali para sa aming lahat dahil nasa paaralan kami at hindi sa bakasyunan ngayong mga panahong ito – subalit ang maiiambag naming kaalaman sa isa’t isa ay tunay na walang kapantay.

Natapos ang dalawang araw ng paghahanda at dumating na ang oras na makikilala ko sila.

Huwebes, Abril 20. Umaga.

Unang araw. Unang tatlong oras sa sampung araw na kami’y magkakasama-sama. Nakausap ko ang ama ng isang mag-aaral matapos ihatid ang kanyang anak sa klase. Hindi umano siya nagtrabaho ngayon sa ibang bansa upang masiguro na makakapag-senior high school ang kanyang anak sa darating na pasukan.

Totoo, ito’y isang sakripisyo. Ngunit sa likod ng sakripisyo’y may maaaninag na liwanag. Ano nga ba naman ang isa o dalawang buwan kung ihahambing sa pagbabalik ng isa pang taon?

Nakita ko rin ang mukha ng aking mga mag-aaral. Mga mukhang makikita ang marubdob na pagsisikap. Mga mukhang bakas ang pag-asa sa kabila ng paghihirap. Mga mukhang may iba’t ibang kwento at pinagdaanan ngunit nagtagpi sa kanilang pagkatao.

Nasiyahan akong hindi sila nahihiya na pumapasok sila sa remedial classes ngayong bakasyon. Ano nga ba naman kasi ang dapat ikahiya? Ito ang kailangang malaman ng mga taong hindi nakaiintindi ng kanilang kalagayan. Imbes na kutyain ay dapat pa nga silang humanga sa mga mag-aaral na ito dahil handa silang punan ang kanilang mga naging pagkukulang sa pag-aaral. Sabi nga, kung may masakit sa iyo ay uminom ka ng gamot. Para sa kanila, ang gamot ay itong remedial classes.

Saan nga ba nag-ugat ang panukalang remedial classes? Narito ang larawang hango sa DepEd Order # 29 s.2015Clarifications on DepEd Order #8 s. 2015 (Policy Guidelines on Classroom Assessment for the K to 12 Basic Education Program)

Nakasaad dito na layunin ng remedial classes na linangin ang mga asignatura at araling nagkaroon ng kahirapan sa nakaraang pasukan. Makikitang maganda ang intensyon ng panukalang ito ng DepEd. Isa pa, malaking tulong din ang pagpapahintulot sa mga pampublikong paaralan na magsagawa ng mga remedial classes. Paano na kaya kung walang ganito? Ilan kaya sa mga mag-aaral ko ngayon ang hindi na makakapagpatuloy dahil hindi sapat ang kakayanan para makapasok sa pribadong paaralan? Ilan kaya sa mga mag-aaral ko ngayon ang hindi na makakapagpatuloy dahil sa dagdag na gastusin kung uulit sila ng Grade 10?

Nasaksihan ko ang araw-araw nilang pagsusunog ng kilay at pagtitiyaga sa pag-aaral, hanggang sa dumating na ang huling araw ng aming pagkikita-kita.

Huwebes, Mayo 4. Umaga.

Pare-pareho naming hindi namalayan na ganoon na lamang kabilis umagos ang oras. Sa wakas, natapos na rin ang remedial classes ko ngunit hindi ng mga mag-aaral ko,dahil kailangang kumpletuhin nila ang isang buwang pag-aaral.Alam ko matutupad ang kanilang minimithi na makapag-aral sa susunod na hakbang – ang senior high school – nang wala nang inaalala.

Tumatak sa akin ang mga salitang sinabi nila sa aming paghihiwalay. “Pagbubutihin na po namin sa susunod na pasukan, papasok na po kami lagi,” anila. Hindi lamang Ekonomiks ang kanilang natutunan ngayong bakasyon, kundi ang mismong kahalagahan ng edukasyon. Kahit na sampung araw lamang ang inabot ng aming pagsasama upang mag-aral, nakasisiguro akong ang mga natutunan nila ay bibitbitin nila hanggang sa kanilang mga susunod na tatahaking hakbang.

Clarifications on DepEd Order # 8 s. 2015 –Policy Guidelines on Classroom Assessment for the K to 12 Basic Education Program