Sipag at Tiyaga para sa Kinabukasan Ko
Ni: Jessica Leongson Pamular
Teacher III - COBNHS
Date posted: Nov. 16, 2018Madalas nating naririnig ang mga kasabihang “ Ang kabataan ang pag-asa ng bayan” at “Ang edukasyon ang susi ng magandang kinabukasan.” Subalit paano kung ang mga pag-asa ng bayan ay hindi mabigyan ng magandang kinabukasan dahil sa kakapusan sa buhay? Iyan ang lagi kong tinatanong sa aking isipan tuwing makakakita ako ng mga batang nagkalat sa lansangan…namamalimos…hindi nag-aaral. Sa kabila ng naghuhumiyaw na katotohanang iyan, marami pa rin namang mga kabataan ang hindi nagpadaig sa kahirapan. Patuloy silang nagsusumikap para maabot ang kanilang mga pangarap. Iba’t ibang trabaho ang kanilang pinapasok upang makapag-aral. Sipag at tiyaga ang kanilang puhunan. Matinding determinasyon ang kanilang baon araw-araw. Kabilang diyan ang isa kong mag-aaral…
Nagpasya siyang magtrabaho sa murang edad dahil hindi siya kayang pag-aralin ng kanyang mga magulang. Gumigising siya ng ala-una ng madaling-araw upang magtinda sa palengke dala ang kanyang uniporme at gamit sa eskwela dahil diretso na siya sa paaralan ng alas-siyete ng umaga upang mag-aral. Makikita mo sa kanyang mga mata ang matinding antok na pilit niyang pinaglalabanan habang nakikinig sa klase dahil nais niyang makasabay sa mga aralin. Nais niyang sulitin ang bawat oras na lilipas sa kabila ng matinding pagod na kanyang nararamdaman. Gayunman, mababakas mo sa hapis niyang mukha ang pag-asa na marami siyang matututuhan na makadaragdag sa kanyang kaalaman. At habang ang maraming estudyante ay tuwang-tuwa sa pagtatapos ng klase, maririnig mo sa kanya ang malalim na buntong-hininga. Dahil sa kanyang pag-uwi, maglilinis pa siya ng bahay ng kaniyang amo kung saan siya nakikitira. Ganyan ang ikot ng buhay niya araw-araw. Kaya naisip ko, habang ang maraming estudyante ay napapagod sa pag-aaral sa eskwelahan, ang batang ito marahil ang bukod tanging mapapahinga ang katawan at isipan habang nag-aaral sa apat na sulok ng aming silid-aralan.
Kapag nagkakausap kami ng mga kasama kong guro, mayroon din silang kwento na katulad ng sa batang ito. Kaya napagtanto ko na marami ring working students sa aming paaralan. At malamang, sa ibat iba ding eskwelahan. Sa totoo lang saludo ako sa kanila. Hindi sila katulad ng mga estudyanteng regular na walang trabahong makasasagabal sa kanilang pag-aaral. Pero sila, napagsabay nila ang pagtatrabaho at pag-aaral. Ginagawa nilang araw ang gabi. Hinahati ang oras upang makagawa ng makabuluhang bagay para sa kanilang buhay. Mayroon akong mensahe na nais iparating sa mga magigiting na working students. “ Tibayan ninyo ang inyong mga loob na harapin ang mga pagsubok na dumarating sa inyong buhay. Isipin ninyo na ang ginagawang pagsisiskap ay para sa inyong mga sarili at sa inyong mga pamilya. Gayunman, huwag ninyong pagkaitan ang inyong mga sarili na makpagpahinga kung kinakailangan.” At sa mga katulad kong guro, bigyan natin sila ng konsiderasyon. Lawakan natin nag pang-unawa sa kanilang kalagayan dahil sipag at tiyaga ang kanilang puhunan para magkaroon ng magandang kinabukasan.