Solusyon sa Pagtuturo ng Kasaysayan
Post date: Jun 30, 2015 3:11:04 AM
ni: Rona J. Quilban
Ano nga ba ang kahulugan ng kasaysayan? Ito ay nagmula sa salitang Griyego na historie na nangangahulugang pagtatanong. Ngunit kung ating gagamitin ang wikang Filipino, ito ay nagmula sa dalawang salita: salaysay at saysay. Ang isang mahusay na guro ng kasaysayan ay nararapat na maging mahusay sa pagsasalaysay ng kuwento ng nakaraan. Ang pagtuturo ng kasaysayan ay hindi lamang nangangahulugan ng kahusayan ng isang guro sa pagsasaulo ng mga petsa at lugar na pinangyarihan ng mga nasusulat sa mga aklat ng nakaraan.
Bilang guro ng Araling Panlipunan, lubos akong nalumbay at nadismaya, dahil may mga katotohanang nasa mga aklat tulad ng mga mahahalagang pangyayari, pangalan at lugar na tila nabaon na rin sa limot. Hindi ko malilimutan ang isang pagkakataon kung saan ako ay nakapanood ng isang dokumentaryo sa telebisyon. May mga mag-aaral sa kolehiyo na hindi nakilala ang ating mga pambansang bayani at ang mga pista opisyal na may kaugnayan sa pagdiriwang ng kanilang kabayanihan.
Sa pagtuturo ng kasaysayan, ang mga katotohanan na napatunayan gamit ang siyensiya ay maliit na bahagi lamang. Mas mahalaga na malaman ang mga dahilan kung bakit naganap ang mga pangyayari. Anu-ano ang mga dahilan na nagbunsod sa mga mahahalagang tao sa kasaysayan na gawin ang mga desisyon na humubog sa ating kasalukuyan.
Ang kasaysayan ay isang pagtatalong walang katapusan ngunit ang tanong ay kung paano mas maipaunawa sa mga kabataan ang mga naganap noon. Napakarami ng pagsasaliksik ang isinagawa upang malaman ang tamang pamamaraan kung paano mababawasan ang pagkabagot ng mga mag-aaral sa pag-aaral ng kasaysaysan. Subalit sa isang dokumentaryong ipinapalabas sa telebisyon ay tila wala pa ring nahahanap na solusyon.
Simple lamang ang solusyon. Maipakita at maiparamdam ng mga guro ang kanilang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng higit na pagkilala sa buhay ng ating mga bayani. Kapag kilala ng guro ang kanyang pinagmulan, mas maipakikilala niya sa mga kabataan ang mga sinaunang tao na siyang humubog sa nakaraan. Kaya ang mga guro ng kasaysayan ang huhubog sa hinaharap ng ating bayan sa pamamagitan ng mga kabataan na minsan ay inasahan ni Rizal.
Sa pamamagitan rin ng paghihinuha, mas tumatalas ang kaisipan ng ating mga mag-aaral, lumilikha ito ng debate sa loob ng silid-aralan. Mas nagkakaroon ng koneksyon ang mga mag-aaral sa ating nakaraan. Mas nauunawaan nila ang ating mga bayani na bagama’t may mga kahinaan ay kinailangang gumawa ng desisyong humubog sa ating kasalukuyan. Hindi ba mas magandang pakinggan ang tanong na: “Bakit naging pambansang bayani si Jose Rizal?” kaysa “Sino ang ating pambansang bayani?”
May kasabihang inuulit ang kasaysayan, ngunit tila tayo lamang ang umuulit sa kasaysayan. Maaari nating baguhin ang nakasanayan nang sa gayon ang kasaysayan ay hindi lamang matapos ng puro salaysay kung hindi magkaroon ng saysay.