Ma’am, kilala mo pa ba ako?
Post date: Dec 16, 2014 7:56:28 AM
ni Catherine C. Garnado, COBNHS
Naglalakad ako sa isang unibersidad pagkatapos magenroll sa M.A. Papalabas na ako ng gate noon nang may makasalubong ako na tatlong pamilyar na mga mukha . Mga dating estudyante sa high school na aking pinaglilingkuran, ngunit ngayon ay mga estudyante na sa kolehiyo.
Nangiti ako dahil nakita ko na mga binata na ang mga hitsura nila, ngunit animo ay mga batang sumasalubong na tila nasisiyahang makita akong muli. Lumapit sila at sabay tanong ng isa, “Ma’am, kilala ninyo pa ba ako?” Buong pagmamalaki kong sinagot, “Oo naman, Roydel.” Ako kasi ang dati nyang adviser. At mas madalas, naaalala ko ang pangalan ng mga advisee ko. Dahil siguro mas marami kaming pinagsamahan ng mga batang iyon. Simula sa paggagawa ng grades hanggang sa pag-aayos ng forms. Madalas din, kasama nila ako na sumusuporta sa school activities na sinasalihan nila.
Ang hindi ko inaasahan ay nang tanungin ako ng nasa kanan ni Roydel, “Ako ma’am, ano naman po ang pangalan ko?” Dati ko rin siyang estudyante pero hindi niya ako adviser. Nang makita ko ang kasabikan sa kanyang mukha, bigla akong nahiya sa aking sarili. Hindi ko kasi mahagilap sa aking isipan ang kanyang pangalan. Nadagdagan pang lalo ang aking pagka-ilang ng tanungin din ako ng binatilyong nasa kaliwa ni Roydel kung siya ba ay natatandaan ko pa. Lalo na akong pinahirapan ng aking memorya, sapagkat ang batang iyon bagaman hindi ko naging estudyante ay madalas na bumabati sa akin noong siya ay nasa hayskul pa. Hindi nila ako tinantanan hanggang hindi ko nasasabi ang kanilang mga pangalan na talaga namang pinilit kong halungkatin sa aking isipan.Nakahinga ako ng maluwag dahil matamis ko namang nabanggit ang kanilang mga pangalan bago kami maghiwa-hiwalay ng daan.Habang naglalakad ako palayo sa kanila, naitanong ko sa aking sarili, “Sumama kaya ang loob nila sa akin dahil naisip nila na habang buong- buo nilang naaalala ang aking pangalan, halos nakalimutan ko naman ang sa kanila?”Marahil ay hindi naman. Dahil nakita ko sa kanilang mga mukha ang kasiyahan . Patunay ang malulutong naming tawanan bago kami nagkahiwa-hiwalay.
Sa totoo lang, halos limang sections ang pinakamababang bilang na hawak ng isang high school teacher na gaya ko.Kadalasan ang bawat section ay may limampu o higit pang estudyante na kailangang turuan. Pagkatapos ng maghapon, maiisip ko na humarap ako sa halos dalawangdaan at limampung magkakaibang mukha, ugali at kakayahan. Sila ang makakasama at gagabayan ko sa loob ng sampung buwan habang sila ay nasa paaralan.
Tungkulin naming mga guro na kilalanin ang bawat estudyante hindi lamang sa kanilang pangalan kung hindi para na rin alamin ang kanilang mga kalakasan at kahinaan. Kaya naman marami kaming pamamaraan upang matandaan ang kani-kanilang mga pangalan para sila ay lalong maturuan at mapayuhan kung kinakailangan. Nariyang gumagawa kami ng seat plan. Nagtse-tsek ng attendance. Nagre-record ng mga pagsusulit at madalas nagtatawag ng mga estudyanteng makukulit o kaya naman ng mga batang kapag sumagot ay talagang sulit
Taun- taon, nagbabago ang aming mga estudyante sa anyo man o pangalan. Mga pangalang dapat naming tandaan. Ngunit may mga pagkakataon na talagang nakakalimutan namin ang pangalan ng mga batang aming naturuan. Kaya marahil maituturing ito na isa sa kahinaan naming mga guro. Subalit hindi ito nangangahulugan na ang mga panahong pinagsamahan ay burado na sa isip at sa puso. Patunay ang mga minsang pagkakataon na makakasalubong mo sila at tuwang tuwa na babati sa iyo kahit na nasa daan pa. Mga panahon na may matagal na kumustahan o kaya naman ay mga sandaling pagkikita na hindi sinasadya, subalit tunay na nagbibigay – saya.
Kaya naman kung mauulit ang tagpo na may makakasalubong ako at biglang magtatanong, “Ma’am, kilala mo pa ba ako?”, ipagpaumanhin at huwag sanang magdaramdam kung ngiti muna ang aking isagot. Dahil sa mabilis na paglipas ng mga taon, ang mga gurong katulad ko ay medyo nakakalimot. Subalit ang simpleng pagbati at matamis na ngiti ay malaking bagay ko nang maituturing dahil patunay ito na hindi nasayang ang ginawa kong pagtuturo.