TAGUMPAY NA MINIMITHI

By: Novina R. Ruales

T-III - T. Camacho Sr. E.S.

Date posted: February 4, 2020 | 3:20 PM

Isa sa mga binibigyang pansin ng ahensiya ng edukasyon ang pagbasa ng mga mag-aaral. Maraming nakararating sa Mataas na Paaralan ang hindi makabasa lalo na sa wikang Ingles. Bakit nakakatapos sa Mababang Paaralan ng Elementarya ang mga batang walang kakayahan sa pagbasa? Sino ang may responsibilidad sa sitwasyong katulad ng di makabasa ang mga mag-aaral? Ang mga nasa mataas na posisyon o ang gumagawa ng batas nasa ahensiya ng edukasyon, mga gurong matiyagang nagtuturo o mga magulang ng mga mag-aaral na nakakalimutan ang kanilang responsibilidad sa kanilang mga anak bilang isang magulang? Ano nga ba ang mga alternatibo upang mapataas ang kalidad ng mga mag-aaral sa pagbasa? Ilan lamang ito sa mga hinahanapan ng kasagutan sa ating bansa.

Halos araw-araw kasama ng guro ang kanilang mag-aaral sa paaralan. Tinututukan sa pagbasa at ginagawan ng alternatibong pamamaraan upang mapaunlad ang kakayahan ng bawat isa. Binibigyan ng dagdag na oras sa pagbasa ang mga nahihirapang makaunawa sa kanilang aralin. GInagawan ng iba’t ibang materyales sa pagbasa at kahit pasanin ng guro ang gastos ng bawat bata, at ginagamitan pa ng makabagong teknolohiya makabasa lang sila. Dadagdagan pa ng pananaliksik ang kanilang pagbasa Kinakausap na rin ang mga magulang ng bawat mag-aaral na mabigyan ng oras ang kanilang mga anak pag-uwi sa bahay para ipagpatuloy ang pagbasa nila nang mag-isa.

Kooperasyon ng mga magulang at pagdidisiplina ang unang pinaka-importanteng bigkis na hinihingi ng mga kaguruan upang matutukan ang mga bata sa kanilang pag-aaral. Ang kawalan ng oras ng magulang ang isa sa mga nagiging sanhi upang ang mga anak ay mawalan ng ganang magbasa. Ang palagiang pagsunod sa kagustuhan ng mga anak ay isa rin sa hadlang upang ang mga bata ay mapabayaan ang pag-aaral. sa ang siyang masunod sa bawat kagustuhan. Madalas ang hinaing ng mga magulang magtatampo at mag-iiiyak. Higit sa lahat ang kawalan ng kakayahang masuportahan ang kanilang mga anak sa pag-aaral mapa-emosyonal man o mapa-pinansiyal.

Maraming katanungan ang gustong bigyan ng kasagutan, kanya-kanyang batuhan ng pagkakamali sa bawat pangyayari. Hindi man perpekto ngunit ang mga ito ay maaaring matuldukan kung ang bawat isa ay magtutulungan para sa tagumpay na minimithi. HInihingi lamang ng ating kaguruan ang kooperasyon, pang-unawa at pakikipagtulungan ng mga magulang para sa mga mag-aaral na malaki ang maiaambag sa ika-uunlad ng bawat mag-aaral.