Ganito Kami Noon…Ganito pa rin Kami Hanggang Ngayon
Post date: Oct 2, 2014 4:40:40 AM
Ni Jenny Calderon Mangawang, COBHS
Ang kwento ko ay maaaring kwento rin ng maraming guro. Kaya naman ang mga dayalogo at pangyayari ay parang hinango sa teleserye. Ang lahat ay malinaw pa rin sa isip ko. Pakiramdam ko kasi,ang lahat ng iyon ay nangyari lang kahapon …
First time kong magkaroon ng advisory class. Hindi ko alam kung ako ba ay swerte o malas.II-Charity ang pangalan. Mukhang okay naman. Pagkakawanggawa ang kahulugan. Dalawang linggo pa lang halos ang nakakalipas pero pakiramdam ko mas tumanda pa ang hitsura ko kaysa sa nanay ko.Walang araw na hindi sila nirereklamo. Hindi lilipas ang oras na wala silang ginagawang gulo. Minsan sa klase ko, sumigaw pa ako at sinabing, “Ang kakapal ng mga mukha ninyo! Nakuha n’yo pang magdaldalan eh wala naman kayong alam!” Sa halip na tumahimik, lalo pa silang nagtawanan. Sa sobrang galit ko, napaiyak ako sa harap nila. Nanginig ang katawan ko at naging blangko ang paningin ko. Nang sa tingin ko ay hindi ko na kaya, iniwan ko sila. Pumunta ako ng faculty room. Nagulat pa ang ilan sa mga kasamahan ko nang makita nila akong halos namumutla at nagpapahid ng luha. Matapos ang ilang sandali, pumasok ang mga estudyante ko. At may isang nagsalita, “Ma’am, murahin n’yo na lang po kami mula ulo hanggang paa. O kaya naman po, saktan ninyo kami hanggang gusto ninyo. Huwag na lang po kayong iiyak sa susunod. Kasi po, mukha kayong hihimatayin dahil sa sobrang sama ng loob.” Nang hapon ding iyon bago mag-uwian, namili sila ng meryenda na nakalagay sa styropor: spaghetti, pancit guisado, at spabok. May kasama ring 1.5L na coke. Peace offering daw nila. Iyong mga dala nila ay pinakain ko sa iba. Hindi ko pa rin sila kinibo. Pero unti-unti na ring naaantig ang aking puso. Alam kong mali ang umiyak sa harap ng estudyante. Pagpapakita iyon nang kahinaan at posibleng hindi na ako igalang. Pero hindi ba, malaking karuwagan ang pagtatago ng nararamdaman? At mas malaking kasinungalingan ang pagpapakitang kaya ko pang pagpasensiyahan ang ginagawa nila kahit ang totoo ay hindi na? Nang oras na iyon, wala na akong pakialam kung ano man ang iniisip nila.Nang handa na akong tapatan ang tigas nila, sila naman ang nagbago. Nakikipag-usap na sila at nagkukwento kahit ng mga munti nilang sikreto. Sabi nga ng mga estudyante kong babae, iyong isa nilang kaklase uminon ng pabango. Pero Victoria’s Secret. Ang dahilan, love life lang naman. Grrrr!! Ako, anong dapat kong inumin? Lason?!? Zero kaya ang love life ko. Pero noong panahong iyon, Jenny’s secret lang iyon.
Ang mga estudyante ko namang siga, ipinagmamalaki pang sumali sila sa iba’tibang frat. Kaya nagtamo sila ng mga pasa at sugat. Ang iba naman, pinaso pa sa balat. At matitiis ko bang makita ang laman na tila naaagnas? Siyempre hindi. Kaya ilang araw ko din itong ginamot at nilanggas. Sinabi ko rin sa kanila na kapag hindi sila tumigil, ako na ang sa kanila ay hahampas. Pero hindi sila nakinig at sadyang nagmatigas. Kaya ang ending,nagpunta pa kami sa presinto.Pero ang totoo, hindi naman talaga sila ang naunang nanggulo. Nakita lang nila iyong kanilang kaklase na halos nilulumpo ng kalabang grupo kaya pati sila ay nakipagbasag-ulo.
Naging buhay na nila ang asaran. Pero siyempre, mayroon pa ding iba na hindi iyon makasanayan. Kaya sa minsang pang-aasar, iyong isa ay bigla na lang tumakbo palabas ng klase. Siyempre hinabol ko siya. Pero hindi ko inabutan. Ang bagal ko kasi. Iyong dalawa kong estudyante, sakay ng scooter. Nang makita nila akong tumatakbo, bumaba iyong angkas at isinakay ako. Nalibot na namin halos ang Balanga pero kahit anino ni Cristina, hindi namin nakita. Nang maireport na namin ito sa guardian, doon lang ako tila nahimasmasan,saka ko itinanong kung bakit sila nasa labas. Bigla ko tuloy nabatukan. Ang sagot ba naman ay, “Sorry ma’am, magka-cutting class”. Pero naisip ko, buti na lang naabutan ko sila sa labas. Kasi kung hindi, paano ko hahanapin iyong batang tumakas kung hindi nila ako ini-angkas?
Dahil hindi talaga sila tumitigil sa kasatan, mauuwi ang lahat sa suntukan. May dumugo ang nguso at tumalsik ang ngipin. Presto! Ang biktima ay naging gwapo sa kanyang free-pustiso. Dahil ang magulang ng batang nakaaway ang nagpagawa bilang danyos-perwisyo. Sa totoo lang, napakasakit nila sa ulo. Pakiramdam ko nga,hindi ako isang guro kundi social worker sa isang charitable institution. Bakit ba kasi Charity pa ang napunta sa akin na section? Dahil sa mga ginagawa nilang nakakapagdulot ng matinding tensyon, nagkasakit ako ng wala sa panahon. Pero ng makalabas ako ng hospital, iyong iba sa kanila pumunta sa bahay at ipinagpaalam ako. Dadalhin daw nila ako sa tabing –dagat para lumanghap ng sariwang hangin at maglakad sa buhanginan ng Bay Park.
Haaayyy…madami pa silang ginawang nagpasakit talaga sa aking ulo. Pero masasabi kong minahal ko pa rin sila ng todo.
Sumunod na taon, I-Earth naman ang hawak ko. Thanks God, ibinalik mo ako sa mundo! Kasi ang mga estudyante ko, mababait, magagaling, at matatalino. At ang masasabi ko, “Oh, Lord, sana laging ganito!” Pero sabi nga, hindi araw-araw Pasko kung alin ang hiling mo ay maaaring ipagkaloob sa iyo. Sa sobrang bait nila, iyong iba sa kanila ay sumubok ng kakaiba. Nag-inuman at nag-aya pa ng ibang kasama. Ano ba itong problemang dala nila? Kaya naman ng ipatawag sila, ang nasabi ko ay, “Please ma’am, patawarin mo na po sila.Bigyan pa natin kahit isang pagkakataon pa”. Nang oras na iyon,ang mundo ko gumuho na, pero binuo nila. Dahil bumalik sila sa dati at mas naging mabait pa.
Pasukan na naman. Marami na namang puwedeng mangyari. Well, let me see. Kung ang Pilipinas ay tinawag na ‘Pearl of the Orient Sea’, ang section na hahawakan ko ay tatawaging ‘Pearl of the C.O.B.’ iyan ang sabi ko sa aking sarili. Kaso, tulad ng pamahiin ng matatanda, ang perlas daw ay nangangahulugan ng luha. Hindi bale sana kung luha ng ligaya, kaso luha ng pagkairita.
Marami sa mga anak ko kung makaasta ay parang artista. Iyon bang mga kontrabida sa pelikula. Kasi naman, pangaralan mo, sumasagot pa. Bakit hindi ko pagsasabihan eh madalas sila ay nagcu-cutting class. Ang matindi, sobrang taas ang taglay nilang angas. Pero nang minsang nagkaroon ng paligsahan, ang mga estudyante ko na tinatawag nilang ‘tropang ungas’, talaga namang nagpakitang gilas. Sa sayawan pala ay hindi sila umaatras. Tulad nga sila ng perlas, hindi man kasing ningning tulad ng ibang hiyas, pero mapapansin mo din ang kanilang timyas.
Pero isa pang bagay ang aking napansin. Ang karanasan ko ba sa pagtuturo ay nakabatay sa pangalan nang section na aking hinahawakan? Kung ganoon, ako na ang pipili ng pangalan.
Gusto ni ma’am, I-Pipit ang aking hawakan. Sabi ko, “Pwede ko po bang palitan? Pakiramdam ko po kasi magiging pipitsugin ang mga anak ko. I-Phoenix po,para mythical bird.” Kung alam ko lang na magiging mythical din ang aking mararanasan, sana nakuntento na lang ako sa Pipit na pangalan. Kasi naman, may mga estudyante akong nahuli ng marshal. Sa halip na humingi ng tawad, nagalit pa dahil hindi daw sila ‘nakahipat’. Gusto ko talaga silang dagukan. Anong hipat-hipat?! Hindi ba nila alam na ang ginawa nilang pagkakamali ay may matinding kaparusahan na katapat?
Kapag problemado ako dahil sa mga estudyante ko, lalong humihina ang resistensiya ko. Kaya nagkakasakit ako. Nang ma-ospital ako,sabi ng pamangkin ko may isa daw akong estudyante na makadalawang beses pumunta. Nahihiya daw kasing dumalaw sa hospital kaya nagbabakasakaling nakauwi na ako sa bahay. Ang pangalan ay Eduardo. Nagbike lang mula Tuyo hanggang T.Camacho. Wala na siya ngayon sa mundo. Pero ang ginawa niya,mananatiling buhay sa alaala ko.
Sumunod na taon, parang ayoko na. pero dahil I-Camia, umasa ako ng magandang resulta. Sa section na ito, nakaranas naman ako ng mabangong pagbabago. Tipikal na mga estudyante. Simple lang ang gulo at kasatan pero humahalimuyak ang kasiyahan sa loob ng silid-aralan. Kaya ang sabi ko, “Ang I-Camia, laging Masaya”. Dahil nga doon, nag-shooting pa. Gumawa ng eksena sa Surrender Site. Paano ko nalamang pinagsasampal ang mga estatwa habang nagdadrama? Kasi nga, may video sila! Iyong isa naman sa kanila, nag BenTumbling pa! Kahit dugo na ang ulo, nagagawa pang tumawa. Kenneth, naaalala mo pa? Sorry ha, pati kasi name mo nasabi ko na.
Trip talaga nilang dumalaw sa elementarya. Iyon pala,ang puno naman ng bayabas ang puntirya nila. Nang malaman ko ito, pinagalitan ko talaga sila at nangako naman silang hindi na uulit pa. Kaya lang, ang ibang section ginaya sila. Malas lang nila dahil nahuli sila. At ang sabi ng mga anak ko habang tumatawa, “Bakit nga ba sila gaya-gaya eh tumigil na kami sa pangunguha.”
Sumunod kong hinawakan ang section ng paborito kong hero…ang 7-Jacinto. Taglay nila ang ilan sa mga katangian ni Emilio: aktibo,buo ang loob, at matalino. Sayang nga lang dahil nangibabaw ang pagiging loko ng mga alaga ko. Sa katunayan,pinalitan nila ang tawag sa section nila. Tinawag nila ang Room 10 na “Presinto ng mgaSinto-Sinto” dahil sabi nila, to the highest level ang kalokohan nila. Gusto ninyo ng katunayan?....
Lagot kami! Sinira nila ang pintuan.Parating na si ma’am para mag-round. At nakita na nga namin si Ma’am Poblete. Grabe, hindi kami pwedeng mahuli,kaya sinabi ko sa kanila, “Kapag si ma’am ang unang nakakita ng ginawa ninyo sa pintuan, ito na ang huling araw ninyo sa paaralan. Kaya kailangan nating maunahan. Sino ang magsasabi, ako o kayo? Siyempre ayokong mapagalitan kaya isusumbong ko talaga kayo.” Sa gulat ko, nagsitayo ang mga maysala. Pinasok sa room si ma’am habang nag-oobserve ng klase. Sa totoo lang, kinabahan talaga ako. Pati iyong iba nilang kaklase. Ano kaya ang susunod na mangyayari? Pinaka-ayaw ni ma’am ang naninira ng school property. Pero sa gulat namin, tuwang-tuwa silang lumabas ng room. Sabi nila, hindi naman sila pinagalitan ni Ma’am Poblete. Kasi umamin sila sa kasalanan nila at humingi ng tawad. Nangako rin silang ipapagawa nila ang pintuan. Nang oras na iyon, proud talaga ako sa kanila. Sila lang naman ang mga batang kinausap ang principal upang isumbong ang kanilang kalokohan.
As usual,hindi na kinaya ng powers ko ang kakaibang ginagawa ng mga alaga ko.Kaya heto nasa hospital na naman ako. Nang makauwi ako ng bahay, pumunta sila para dumalaw .Natuwa ang nanay ko kaya tinanong kung ano ang gusto nila. Sumagot ang isa sa kanila,” Nakakahiya naman po, pero ang Milo ay puwede na po.” Marahil ay gininaw sila. Naglakad kasi sila mula school hanggang bahay namin kahit umaambon. Ipinambili kasi nila ng prutas ang kanilang baon. Mahal din pala nila ako. At ang wish ko, sana maipakita pa nila sa akin iyon sa maraming pagkakataon.
Mabilis na namang lumipas ang taon.Pero dahil sa mga naranasan ko, pakiramdam ko singtigas na ako ng bato. Iyon bang tipong hindi na ako matitibag ng kahit na sinong loko. Kaya lang, mukhang nagkamali ako.
7-Papaya. Noong una, papayat lang ako. Grabe talaga ang asal ng mga estudyante ko. Pero nang lumaon, sinabi ng kaibigan ko na mukha na akong papayao. Linggo-linggo yata nasa Principal’s Office ako. Kung anu-ano ang ginawa nila, hindi ko na ikukuwento maliban sa isang ito…
Sila lang yata ang mga estudyanteng direktang sumulat kay Ma’am Poblete tungkol sa pagrereklamo sa pang-aabuso at pang-aapi ng kanilang kaklase. Pero ang totoo, lahat sila makakasat at parang kiti-kiti.Pero kung makapagsumbong akala mo talagang mga aping-api.Gusto lang naman daw nilang makaganti. Tuloy si ma’am noong minsang may inabot akong papel, akala niya reklamo na naman ng mga anak ko. Traumatized kaya si ma’am? Eh paano pa kaya ako na araw-araw pinagsusumbungan ng gulo? Halos masiraan na nga ako ng ulo.Kaya noong minsan, nagpa-hospital na ako. Sa wakas, makapagpapahinga ako. Kaya lang matitinik ang mga anak ko. Sa hospital, dumalaw sila. Wala sanang problema kaya lang hanggang doon dala nila ang gulo. Pati kasi gwardiya pinagalit nila. Pero sa lahat ng mga naging estudyante kong dumalaw sa akin, sila ang pinakamarami. Sa katunayan nga nagsiksikan sila hanggang Cr. Akala ko gusto lang talaga nilang magtagal pa sa pagdalaw kaya nagtago sila doon dahil palalabasin na sila ng guard. Iyon pala, maganda raw kasi ang salamin sa Cr kaya doon sila nag-istambay. Ang sweet nila, hindi ba? And take note, nagtanong pa kung bakit nasa hospital ako.Obvious naman na dahil sila ay pasaway, ang katawang- lupa ko ay bumigay. Pero masaya ako dahil dinalaw nila ako. Kaya nga ang sabi ko lagi sa kanila, “Basta 7-Papaya, Magaling talaga!” Kahit double meaning pa.
Ganyan ko sila natatandaan. Lahat ng ginawa nila: aksyon,drama, o comedy man iyan. Nagmarka talaga sa aking alaala. Pero ako, walang ideya kung paano nila ako naaalala. O kung ako ay natatandaan pa nila. Basta ang alam ko, lahat sila minahal ko. Nakita man nila, naramdaman man nila, at paniwalaan man nila iyon o hindi. Pero ako, naging masayang nakasama sila kahit sandali. Naging mapalad din ako dahil sa pagkakataong ibinigay nila na maging bahagi nang kanilang ligaya at pighati.
Lahat ng nangyari ay bahagi ng kanilang masasayang karanasan bilang kabataan. Kailangan lang nating intindihin ang kanilang mga pinagdadaanan. Kaya ganito kaming mga guro noon. Nagpasensiya at umunawa sa kalokohan ng mga bata. Pumuno ng pagmamahal sa mga musmos nilang puso upang maramdaman ang marubdob naming pagkalinga. Ganito pa rin kaming mga guro hanggang ngayon. Nagpapasensiya at umuunawa sa kalokohan ng mga bata. Patuloy na sa kanila ay nagmamahal at kumakalinga. Pero ang malaking tanong ay, “Hanggang kailan?” ….hanggang marami pa ring mga batang nangangailangan ng gabay, kaming mga guro ay patuloy na susubaybay.
Sa mga anak ko ngayon na 7-Carbon, bumubuo pa rin kami ng masasayang alaala.Ini-enjoy ang mga sandaling kami ay magkakasama. Para sa pagharap namin sa kinabukasan, mayroon kaming magandang pagbabalik-tanawan.
Ganito ko gustong ibahagi ang aming kwento. Iyong iba siguro, hindi maniniwala sa lahat ng ito. Pero sa mga taong naging bahagi nito, alam nilang ang lahat ng ito ay totoo. At natitiyak ko ang sasabihin nila kapag ako ay nakita…”Salamat Ma’am Mangawang dahil tumayo ka sa amin bilang pangalawang magulang”.