Ang Dusa at Saya ng Isang Mobile Teacher at ALS Coordinator
Post date: Feb 24, 2015 6:57:54 AM
ni: Irene P. Aranas
District ALS Coordinator
Isang malaking hamon para sa amin ang makapagturo sa mga out-of-school youths (OSYs) at out of school adults (OSAs). Maaaring maitulad namin ang aming mga sarili sa mga missionaries na humahanap at umiikot sa ibat-ibang mga barangay, sa mga liblib na lugar, sa mga bundok na ang misyon ay makakuha o makahanap ng mga learners na mga nahinto o natigil sa pag-aaral na nangangailangan ng tulong. Alam naman nating lahat, na sa hirap ng buhay ngayon madalas na dahilan kung bakit maraming OSYs ay walang sapat na pera para ipangtustos sa kanilang pag-aaral tulad ng pamasahe, pambaon sa pang araw-araw, kailangan tumulong sa kanilang magulang para sa kanilang pamumuhay, at nariyan din ang naliligaw ng landas dahil sa impluwensya ng mga masasamang barkada.
Sa aking karanasan sa pagtuturo bilang isang Mobile Teacher sa loob ng apat na taon, sa simula ako ay nahirapan dahil nasanay ako na pagsapit ng pasukan ang mga studyante ang dumadating sa loob ng paaralan. Kabaligtaran dito sa ALS, kailangan kami ang maghahanap ng mga estudyante na tuturuan. Maraming karanasang hindi ko malilimutan kapag nagpupunta sa mga barangay upang mag-mapping nariyan ang habulin kami ng aso, pagsaraduhan ng bahay, at talikuran kapag kinakausap. Subalit lahat ng iyon ay aking di alintana makakuha lamang ng ng learners. Bilang isang mobile teacher o District Alternative Learning System Coordinator (DALSC) kailangan din naming matutuhan kung papaano namin mahihikayat o mahihimok na pumasok sa ating programa ang mga OSYs. Upang mahimok ko sila at maging inspirasyon sa pag-aaral, ginagawa kong halimbawa ang aking sariling karanasan na makapagtapos ng pag-aaral at maging ganap na isang guro sa tulong ng ALS.
Sa simula ng school year, magkahalong saya at kaba ang aking nararamdaman. Iba’t-ibang ugali ng mga bata ang aking nakikilala at nakakasama. Bagaman hindi natin alam kung ito ay magdadala ng pagbabago sa kanilang buhay, isa lamang ang natitiyak ko na sa loob ng sampung buwan ng kanilang pagtitiyaga ito marahil ay magkakaroon ng malaking epekto sa pagbabago ng kanilang buhay.
Naranasan ko rin ang matutong lumapit sa mga LGUs at iba pang mga stakeholders na maaring makatulong sa programa ng ALS. Masaya ang pakiramdam na karamihan sa mga LGUs at Stakeholders ay nagpapaabot ng kanilang tulong at suporta sa programang ito. Bukod pa riyan ako ay nakadadalo sa iba’t-ibang uri ng mga trainings at seminars ng libre.
Sa bawat taong lumilipas ito ay nagdadala at nagbibigay ng hamon at saya na hindi makukuha ninuman kapag ang mga OSYs na aming naturuan ay nakita naming nakatapos sa kanilang pag-aaral at hawak na ang diploma na magiging susi ng kanilang tagumpay.