“PAMILYA”

Post date: Jan 23, 2015 3:12:49 AM

Ni: Evelyn G. Contreras

Pamilya, ang pinakamaliit na uri ng lipunan. Binubuo ng ama, ina at anak o mga anak. Pero paano kapag hindi na buo ang pamilya? Paano kung buo pa rin pero abala sa paghahanap-buhay ang ama o ina? O kaya, paano kung hindi maganda ang samahan ng mga miyembro ng pamilya? Sino ba ang pinakaapektado?

Ayon sa aking karanasan bilang guro, isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit nagiging pasaway at nagloloko sa pag-aaral ang isang bata ay dahil sa kanilang pamilya. Marami na akong nakausap na mga estudyante tungkol sa kanilang pagloloko sa pag-aaral, kadalasan sa halip na magalit, awa ang aking nararamdaman kapag ikinukwento na nila ang mga dahilan ng kanilang pagloloko sa pag-aaral. Mga kwento ng akala mo sa “Maalaala Mo Kaya” lang mapapanood. Hiwalay na magulang, abalang nanay o tatay, nambabae ang tatay, nanlalake ang nanay, iniwan na mga anak at marami pang ibang kwento tungkol sa wasak na pamilya.

Malaki ang epekto ng hindi buong pamilya sa pag-aaral ng isang bata. Ang hirap kuhanin ng atensyon ng mga batang kulang sa imaheng buong pamilya. Maraming gumugulo sa mura nilang kaisipan. Hindi kayang pantayan ng pagmamahal at atensyon ng isang guro ang pagmamahal at atensyon na dapat ibigay ng mga magulang. Kapag wala si nanay o si tatay, wala ring pakialam si kuya o si ate, at higit sa lahat kapag hindi buo ang pamilya may kulang sa buhay ng isang bata.

Hindi sapat ang pagsisikap naming mga guro na maging nanay, tatay, ate o kaibigan ng isang estudyanteng may suliranin sa pamilya. Ang pamilya ang higit na makakatulong upang maging matino at magkaroon nang maayos na pamumuhay ang isang tao.