MAGTURO AY ‘DI BIRO
Post date: Oct 4, 2017 3:16:53 AM
Ni: Jenny Calderon Mangawang
Master Teacher I, COBNHS
Alam mo pa ba ang kantang ‘Magtanim ay ‘di biro’? Ito ang paboritong hinihimig ng mga magsasaka sa nayon at madalas din itong ipakanta sa mga estudyante noon. Subalit sa paglipas ng panahon, unti-unti na ring nalimot ang liriko ng awitin. Natabunan na ito at napalitan ng mga bagong kanta at tugtugin. Ngunit sa pagkakataon na ito,bigla kong naalala ang awiting naging bahagi ng aking kabataan. Ipagpaumanhin nga lamang sapagkat ang ilang linya ay napalitan, bunga na rin ng malikot kong isipan…
Magturo ay ‘di biro,
Maghapong nakatayo.
‘Di man lang makaupo,
“Di man lang….
(‘Di man lang ano??)
Ang mga guro maraming kwento na kung minsan kinakailangang magpakitang-tao sa ngalan ng serbisyo. Tulad na lang ng pag-aayos sa sarili at pagmamadali sa pagpasok kahit hindi na maihakbang ang mga paa dahil sa bigat ng dinadalang problema. Ngingiti at titindig sa harapan at babati ng “Magandang araw!” Sasabay sa kanilang tawanan kahit masama ang pakiramdam. Buong kisig na susundin ang mga gawain sa lesson plan. Magpipigil mula sa inis na unti-unting nararamdaman dahil may mga batang pumasok sa paaralan para sa perang baon lamang. Gayunman, buong katiyagaan pa ring pakikinggan ang mga sagot nilang malayo sa pinag-aralan dahil mas interesado silang magkwentuhan. Dahil doon, muling uulitin ng guro ang talakayan kahit halos dumugo na ang lalamunan. Pero ayos lang.
Ang mga guro maraming ginagawa na hindi naidudokumento o nakukuhanan ng litrato. Ito ang mga sakripisyong nakatatak sa isip at nakaukit sa puso ng mga batang nakaramdam ng pagmamahal na totoo. Katulad na lang ng pagtapik sa balikat ng mga batang pinanghihinaan ng loob. Pagsisikap na sagutin ang mga katanungang gumugulo sa mura nilang isipan. Pagpahid sa mga luhang tila walang katapusan sa pagpatak dahil sa mga pagdurusang kanilang nararanasan.
May mga pagkakataon na hindi rin tayo maintindihan ng mga taong malapit sa ating buhay. Hindi nila lubos-maisip kung bakit mas maraming oras ang ginugugol natin sa paaralan. May mga sandali na kahit nasa bahay na tayo, ang mga trabahong naiwan ang umuukopa sa ating isipan. Mabigat din sa ating kalooban ang mga suliraning pinagdaraanan ng mga estudyanteng ang tingin sa atin ay pangalawang magulang.
Binabayaran tayo sa walong oras na trabaho. Pero sa tingin ko, kulang kahit ang oras na bente-kwatro. Kahit gaano kaganda at kaayos ang ating plano palagi pa ring may magbabago. Dahil kahit gaano tayo kagaling, kasipag, at katalino hindi pa rin tayo perpekto. Nagkakamali pa rin tayo. Pero ang mahalaga manatili tayong matatag at nakatayo kahit na ang magturo ay ‘di biro. Dahil ang mga estudyante natin ang ating mundo. At para sa kanila, tayo naman ang kanilang idolo at super-hero.