PISARA
Post date: Jan 5, 2016 2:12:34 AM
Isinulat ni Isabelita Reoperez-Chiuco
City of Balanga National High School
Nagsimula sa mga guhit. Tuwid,patayo,pahalang, naging pakurba, hanggang naging mga hugis, parisukat, parihaba, tatsulok, bilog at iba pa.Kasing lawak ng mundo na tila walang hanggan ang mga konsepto na kaniyang ipinapahayag.
Mula sa mga titik a,e,i,o,u, naging mga pantig, kasunod ang mga salita hanggang naging mga pangungusap at kalaunan ay mga talata. Mababaw man o malalim , ang bawat salita ay may kahulugan. Ang bawat pangungusap na namumutawi sa ating mga bibig ay paglalarawan ng ating katauhan. Unti-unti hinuhubog niya ang aking kamalayan. Araw-araw pinauunlad niya ang aking karunungan. Tulad ako ng isang basong walang laman, dahan-dahan pinupuno ng kaalaman.
Luntian ang kanyang paligid.Naging makulay ang buhay. Pula ang para sa pagmamahal. Bughaw ang kulay ng langit.Luntian ang kapaligiran. Ang puti ay para sa kalinisan at pagsapit ng gabi ay maitim na kadiliman. Gaano man kahaba ang gabi ay palaging masisilayan ang umaga na nagbibigay ng bagong pag-asa. Habang pinagyayaman niya ang aking isipan, iminumulat niya ang aking mga mata sa ganda ng paligid. Kasabay kong namumuhay ang mga halaman at hayop. Ang daloy ng aming buhay ay magkaka –ugnay.
Isa,dalawa,tatlo…hanggang isang milyon, tila walang hanggan ang kaalaman niya. Huwag makalimot magpasalamat, maging mapagbigay at magpatawad nang maraming beses, ang ilan sa mga aral na paulit-ulit niyang sinasambit. Ang karunungan ay hindi lang sa isipan, ang pagmamahal ay isang uri din ng karunungan.Hindi siya nagkulang nang pagbabahagi ng mga aral sa buhay. Hindi ko nabakas sa kanya ang pagod sa pagwawasto sa mga kamalian at pagbibigay papuri sa kabutihan.
“ Engineers build bridges. Architects build houses. Teachers build lives.”
Gumagawa siya ng daan, mga daang patungo sa tagumpay. Tumutulong siya sa paghubog ng buhay, maging ng buong lipunan. Gumuguhit siya ng kapalaran ng bawat mag-aaral sa bawat henerasyon.
Isang super hero kung siya ay aking ilalarawan. At ang kanyang sandata? Pusong puno ng pagmamahal, isipang nag-uumapaw sa kaalaman,maigting na pagnanasang ibahagi ito sa sinumang nais matuto, at mga piraso ng chalk upang isulat,iguhit, isalarawan at ipaliwanag ang mga karunungan sa pisara ng buhay.
(Ito ay isang lathalain na isunulat at iniaalay sa mga guro ng pambubliko o pribadong paaralan bilang pagbibigay pugay sa naiambag nila sa lipunan.
-mula sa may akda.)