“KARUNUNGAN”

Ni:Evelyn G. Contreras T-III

City of Balanga National Hgh School

Date posted: Feb. 26, 2019 | 11:41 AM

Marami ang nagsasasabi na “Ang karunungan ay kayamanan at hindi mananakaw ninuman.” Dahil dito marami ang nagnanais na magkaroon ng sapat na karunungan, karunungang magbibigay ng magandang kinabukasan, karunungang maghahatid ng tagumpay sa bawat isa.

Sino nga ba ang hindi magnanais ng karunungan? Marahil ay yaong mga taong walang pinapangarap sa buhay o ang mga taong tamad at walang pakialam sa mundo. Tunay ngang lahat tayo ay naghahangad ng karunungan, subalit kanino nga ba nakasalalay ang pagkakaroon ng karunungan? Kapag ang bata ay bumagsak sino nga ba ang dapat na sisihin? Ang sabi ng iba “kulang sa subaybay ng magulang”. Mayroon namang nagsasabing, “Guro ang may kakulangan” at madalas nating maririnig na “Bata ang may kasalanan”.

Sa aking opinyon, sa karanasan ko sa pagtuturo napapansin ko na marami sa mga mag-aaral ay mababa ang antas na tinataglay na karunungan. Marami ang tumatanggap ng diploma ngunit tila hindi sapat ang natamasang kaalaman.

Tunay nga bang ang magulang ang nagkukulang sa pagsubaybay sa kanilang mga anak? Na kung titingnan naman natin, halos walang pagod nilang ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya, mapagtapos lamang ang kanilang mga anak. Sadya nga bang ang guro ang may kakulangan? Na kung atin naming susuriin ay halos walang tigil silang gumagawa ng iba’t-ibang paraan kung paano makapagtuturo nang mahusay at mabigyang karunungan ang mga mag-aaral. O talagang bata ang may kasalanan? Na bagamat nagnanais sila ng sapat na karunungan, ito ay hindi nila pinagsisikapan.

Marahil ang tunay na kasagutan ay……”Nakasalalay sa bawat isa sa atin ang pagkakaroon ng karunungan”. Ang pagsuporta, pagsusubaybay at hindi pangungunsinti sa mga maling ginagawa ng mga anak ng mga MAGULANG, ang pagmamalasakit at pagtitiyaga ng mga GURO, at higit sa lahat ang pakikiiisa, pagsusumikap at pagnanais ng mga mag-aaral na maabot ang hinahangad nilang KARUNUNGAN, na siyang magiging susi upang matamo ang ninanais na tagumpay.