KEYBOARD
By Mildred P. Francisco
SDO-Balanga City – Administrative Aide
Date posted: Feb. 26, 2019 | 4:08 PMTak! Taka! tak! Tak!
Tunog ng keyboard, na kailangan, upang matapos ang report at dapat ipasa mamaya.
Naalala ko pa noong nagsisimula pa lamang ako sa buhay, hindi pa ako marunong gumamit ng CAPSLOCK , ngayon kahit maliit na bagay napapalaki na. Sa bawat tak! taka! tak! tak!, may mga positibo at negatibo tayong nagagawa, pero nais natin na laging maganda ang maidudulot nito sa ating sarili at kapwa. Darating sa buhay natin malayo-layo na ang nagagawa natin, tapos naguguluhan na tayo kung ipagpapatuloy pa ba o tatapusin na.
Minsan maiisip mo, na ang buhay ay parang keyboard lang, may mga numero at letra na kailangan natin buuin para maintindihan. Maaari sa tinagal-tagal marami nang napagdaanan na salita at mga oras na nailaan. Dumating din sa oras na mayroon ka nang binura na hindi maganda, minsan pa nga nagbabackspace pa para maitama, kasi madalas panay enter, yun pala mali na ang pinasok mo. Nauunawaan mo na lamang ang isang bagay kapag nakita mong hindi na pala tama ang iyong ginagawa. Minsan nakakalimutan mo tuldukan ang mga bagay na dapat tapos na, kaya akala ng iba may kasunod pa.
Kapag naguguluhan o nahihirapan ako na ipagpatuloy ang isang bagay, pinipindot ko ang Home Button para bumalik ulit sa simula at alalahanin kung bakit ko nga ba ito ginawa. Parang buhay lang minsan may desisyon na mali pero sa kamalian mo matututo ka. Pagkatapos naman ng lahat ng ito babalik at babalik ka pa rin sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap lalo’t higit sa Naglikha sa iyo.
Keyboard na siyang kaagapay sa oras ng buhay mo!