Taguan
Post date: May 25, 2017 7:17:41 AM
ni Racy V. Troy
Isa, dalawa, tatlo magtago na kayo… pagbilang ko ng sampu nakatago na kayo, isa, dalawa, tatlo…
Larong kinagisnan kasama ng aking mga kababata, kay sarap balikan ang mga lumipas na panahon. Naalala ko pa sa ilalim ng manggahan ako madalas magtago, ang amoy ng habagat na nagmumula sa bukirin. Ang init ng hangin na humahaplos sa aking balat na pawisan dahil sa aking pakikipaglaro. Mga bagay na hindi ko na madalas makita sa kabataan, sila ay mga nakatago na lamang sa isang silid hawak ang isang bagay na nagliliwanag. Doon may sarili silang mundo na sila lang ang nakakaalam, mundong iba sa ating kinagisnan na nagsisilbing kanlungan ng kanilang imahinasyon at pagbuo ng kanilang pagkatao.
Apat, lima, anim…
Nawala na ang pakikipag-ugnayan na ipinagmamalaki ng ating lahi noon, ang ugnayang makikita mo sa hapag kainan. Sabay sa pagsubo ang kwentuhang nagbubuklod sa bawat isa, subalit ngayon ay may kanya-kanyang oras na ng pagkain at nasa kani-kanyang silid kasama ang bagay na nagliliwanag. Sa bagay na iyon naroon ang kanilang pakikipag-ugnayan na hindi ginagamitan ng pagbuka ng bibig ngunit mga letrang sumusulat sa mahiwagang dingding na nag-iiwan ng salitang maaring makabuti o makapanira dahil sa iba’t ibang pagkakaunawa ng mga bumabasa. Ang mga letrang hindi nagbibigay ng emosyon at nagpapalito sa ninanais mong iparating, mga bagay na nais mong ihatid ngunit nakukulangan ng personal na ugnayan.
Pito, walo, siyam…
Sa teknolohiya na tumutulong sa ating pagbuklod ay nagiging sanhi rin ng pagkakawatak-watak ng ating mga ugnayan. Isang pindot ay makakausap mo ang iyong minamahal sa kabilang dako ng daigdig, ngunit hindi natin mabigyan ng pansin ang nasa harapan natin. Sa pagtakbo ng ating panahon kasabay ang pagbabago ang ating komunikasyon, maaring napabilis ang ugnayan ngunit nagbibigay din ito ng epekto na nakakaligtaan natin ang bagay na dapat bigyan pansin. Ang pagpasok ng impormasyon ay parang talon na bumabagsak sa ating mga ulo, madami, malakas at mabilis. Tinatakpan nito ang ganda ng dalayong ng tubig, ang dalisay na kulay nito, ang karanasan na lumangoy habang dinaramdam mo. Ang ugnayan na mahinahon na nagbibigay oras sa bawat isa upang damhin ang bawat isa, upang maunawaan ang nais mong ipahatid at iparamdam.
Sampu… Game…
Ang ninanais ko lamang ipahatid ay ang komunikasyon na hindi isang taguan na kailangan mo pang hanapin ang kahulugan. Ito ay nasa iyong harapan na ang tanging kailangan mo lamang gawin ay magsalita gamit ang inipon mong lakas ng loob upang iparating ang iyong saloobin. Sa makabagong panahon ay lalo pa tayong mamulat sa tamang paggamit ng komunikasyon na makakatulong at makakabuti sa paglago ng bawat isa. Sa mga guro, ang inyong pagsisikap na maituro ang tamang komunikasyon sa mga mag-aaral ay nagpamulat sa akin kung gaano kahalaga ang ating wika na dapat bigyan pa ng lalong pansin. Poom! Ikaw na rin ay taya… Halina at tulungan mo akong payabungin ang maayos na komunikasyon.