Tanglaw sa Sanlibutan
Post date: Feb 15, 2017 6:24:33 AM
Ni: Milagros Monta
HT-III
Bataan National High School
Maraming uri ng ilaw… may ilaw sa mga poste, sa lansangan na nagsisilbing liwanag ng mga mamamayan, may ilaw sa tahanan na nagsisilbing gabay ng bawat miyembro ng pamilya, may ilaw sa paaralan na naging liwanag natin sa pag-unawa ng mga aralin, sa tanggapan ng pamahalaan may mga iba’ibang uri ng ilaw upang magsilbing gabay sa patutunguhan ng isang bansa at may napakahalagang ilaw na naging tanglaw nina Jose at Maria patungo sa Betlehem.
Mahalaga ang ilaw sa lahat, mahirap maging ilaw sa pook na nangangailangan ng “ tunay na liwanag”.
Tukuyin natin ang mga natatanging ilaw na ito, na akala natin ay wala ngunit nagniningning pala sa liwanag at patuloy na gumagabay sa lahat.
Sa ating tahanan ang Ina ang espesyal na biyaya sa atin, sa pamahalaan ang ating mga pinuno na piling lingkod ng bayan, ang ilaw na pambansa, sa ating pananampalataya ang salita ng Diyos ang patuloy na nagbibigay ng liwanag patungo sa tamang daan, sa paaralan , ang mga Guro ang tanging ilaw na tumatanglaw sa ating mga pangarap.
Nasusulat sa biblia Juan 1:9 “Ito ang tunay na ilaw, at dumarating ito sa sanlibutan” .
Samakatuwid, napakaraming ilaw ang inihasik ng Diyos sa atin.
Sa ating bansa, nakatala sa ating kasaysayan ang bilang ng mga taong naging liwanag sa una at lumabo din ng hindi maglaon.
May 77 Espanyol, 20 Amerikano, may galing Britanya at 14 na Pangulong Pilipino.Paano ba nila binigyang liwanag ang ating bansa na naitala sa aklat ng ating kasaysayan. May ilang nakatulong sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya, may nagliwanag at naglahong tuluyan, may ilaw na inangkin ,pinagtaksilan, at may lubusang minahal.
Isang matinding hamon sa lahat ang maging ilaw na magiging liwanag sa mga taong umaasa sa liwanag na ibinibigay mo. Kung sapat ang liwanag na naibigay mo at nakaakay ka sa kabutihan ,kapuri-puri ang ilaw na ito.
Paano ba mapapanatiling magningas ang ilaw na ito? Ang mga enerhiyang mula sa mga taong umaasa sa iyo at naniniwala sa iyong talino at kakayahan at patuloy na nagmamahal sa atin ay ang liwanag na nagdudugtong sa daloy ng buhay.
Ngunit ang liwanag na ito ay natatalo ng mga negatibong enerhiya dala ng pagsubok sa buhay,mahigpit na kumpetisyon sa trabaho at katungkulan, karamdaman, problemang pinansyal at sa pamilya, higit sa lahat ang lumalamig na pananampalataya sa Diyos na kailangan nating hawakan ng mahigpit at ang makamundong paraan ng pamumuhay.
Tunay nga na mahirap labanan ang liwanag sa iyong sarili, kadalasan sa pagnanais mong mapanatili ang liwanag nito nakagagawa tayo ng hindi tama sa mata ng Diyos at ng ating kapwa.
Ano mang uri ka ng ilaw … plorisent, balb, kandila, sulo at marami pang iba… siguraduhin lamang na maraming buhay ang naliwanagan dahil sa liwanag na maibibigay mo sa kanila at naipunla sa sanlibutan.