PAKIKISAMA SA MGA KATRABAHO, GURO KA MAN O EMPLEYADO

Post date: May 25, 2017 2:44:29 AM

Ni: Engr. Jhon Zen I. Capulong

Guro ka man o sa opisina nagtatrabaho ay pihadong naranasan mo na ang tinatawag na Office Politics. Ano ba ang Office Politics? Ang sabi ng Mind Tools Club ang office politics daw ay ang mga taktika na nilalaro o ginagawa ng isang empleyado sa isang upisina upang makakuha ng pakinabang. Ang sabi pa, gusto mo man o hindi, ang pamumulitika daw sa upisina ay di maiiwasan, ito ay dapat matunugan o matutuhan ng bawat isa,ngunit dapat mo daw itong lunasan sa malinis na paraan o di kaya ay gamitin mo ito upang mapigilan ang pang-aabuso ng ilang kasamahan, at magagawa mo daw ito nang hindi kailangan ang paninira ng kapuwa o pagsasabi ng masama sa kasamahan sa trabaho.

Bakit nagkakaroon ng office politics o pamumulitika sa isang upisina? Ang mga salitang ito ay nangangahulugan ng pagkakaiba ng opinyon ng bawa’t isa, pagkakaiba marahil ng kultura o lahi, pagkakaroon ng conflict of interests, o pagkakaiba ng mga interes. Ang lahat ng mga ito ay matutunton sa kung anong uri ng komunikasyon o ugnayan mayroon ang bawat isa.

Walang dapat ika-takot sa pulitika sa upisina dahil ang sabi ng marami ang isang upisina o kompanya o maging ang paaralan ay isang modernong kagubatan na ang karaniwang reaksyon sa pulitika sa upisina ay fight or flight, isang normal na reaksyon ng mga empleyado. Ngunit ito ay maaaring nangyari sa mga kagubatan noong sinaunang panahon. Sa kasalukuyan, ang mga tauhan ng isang organisasyon bukod sa marunong nang gumamit ng kanilang mga instinct o pakiramdam sa tamang paraan, ay pinagaaralan din ang maaaring maging resulta o konsekwensiya ng gagawin. Kaya kailangang pag-aralang mabuti ang mga gagawing reaksiyon.

Kailangang alam mo din kung saan ka patutungo at marunong makipagtalakayan sa mga maitutulong sa upisina o kumpanya, nang sa gayon ay makaiiwas ka sa usapang walang katiyakang solusyon;.kailangang huwag ka ding paapekto sa mga mahilig mamulitika sa upisina. Magpokus ka sa mga taong makatutulong saiyo at huwag sa mga taong sisira saiyo. Mga taong mareklamo, mahilig sumipsip sa mga boss at ang mga taong backfighter o mapanira sa kasamahan lalo na kapag nakatalikod. Isa ding paala-ala kapag may nangyaring pagtalo-talo at di ka nakatitiyak sa mga totoong pangyayari ay huwag na huwag kang kakampi sa kung kaninuman, kahit na sa siya ay isang kaibigan.

Umiwas din na sabihan o pangaralan ang isang kasamahan, sapagkat ang tangi lamang niyang matatandaan ay kung saan at kailan siya napahiya o napagsabihan. Isa pang mahalagang tuntunin,ay kailangang nauunawaan mo ang nagyayari sa inyong upisina bago mo pasukan ang mga bagay-bagay. At higit sa lahat kailangang umisip ng solusyon na win-win. Huwag isipin na kapag panalo ka ay may matatalong iba. Ngunit kung gagamit ng Win-Win solution kayong lahat ay magkakasundo at malulutas ang suliranin sa upisina man o sa paaralan.

Piliting makadalo sa mga trainings, seminars o.mga LAC Sessions, upang lalo pang matuto sa takbo ng kinabibilangang organisasyon. Ibaling o ituon ang pansin sa mga makabuluhang bagay upang madali ang pag-asenso.