Edukasyon: Karapatan at Obligasyon
Post date: Mar 29, 2017 7:34:22 AM
Ni: Mrs. May Ann C. Marantal (COBNHS)
Ano nga ba ang edukasyon?
Ito ba ay higit pa sa sinasabing aksyon?
O marahil ay kinakailangan ng mabisang solusyon?
Kung gayon, bakit hindi pa simulan ngayon?
Ang akala ng marami, sapat na ang unang pagbigkas,
Na ang pagsulat at pagbasa ay katapusan na ng balangkas,
Subalit ito ay mga hakbang lamang sa tatahaking landas,
Matagal, ngunit kapalit ay magandang bukas…
Ikaw, ako, tayo mismo ang naghahabi ng ating sariling kapalaran,
Kapalarang hindi mabubura ng kahit anumang kagamitan,
Subalit ito ay maitatama kung naaayon sa kagustuhan,
Nawa’y bigyan ng pansin ang edukasyong pamana sa atin.
Ang pag-aaral ay karapatan na may kalakip na obligasyon,
Huwag sanang sayangin handog ng pagkakataon,
Ituring na isang tunay na kayamanan ang edukasyon,
Sapagkat ito ay magsisilbing karangalan sa habang panahon…