Katutubong Guro
Ni: Jenny Calderon Mangawang
Master Teacher I, COBNHS
Date Posted: Feb. 12, 2019Taun-taon ay ipinagdiriwang natin ang kadakilaan ng mga guro hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Subalit para sa akin, ang bawat araw ay laging pagkakataon upang pasalamatan ang mga taong may papel na ginampanan sa ating buhay. Sa mga artikulo na akin nang naisulat gaya ng TIT.SER, Ganito Kami Noon…Ganito pa rin Kami Hanggang Ngayon, Touching Lives, Klase-Serye, at Magturo ay ‘di Biro, sinasalamin nito ang mga karanasan at sakripisyo nating mga guro sa loob ng silid-aralan. Ngunit napagtanto ko na hindi lahat ng guro ay matatagpuan lamang sa eskwelahan. Kung minsan, sila ang mga taong nakakasalamuha natin araw-araw. Mga taong biglang dumating sa ating buhay at nag-iwan ng mahalagang aral. Kaya ngayon, hayaan ninyong gamitin ko ang pahinang ito upang pasalamatan ang isang tao na nagturo sa akin hindi lamang ng kanilang kultura at wika kundi nagpamalas din ng hindi matatawarang adhika…
Siya si Gng.Rebecca C. Reyes, Nanay Becca kung aking tawagin. Isa siyang butihing ina at ulirang asawa. Hindi pagtuturo ang kanyang propesyon. Subalit hindi matatawaran ang kanyang debosyon na makapagkintal ng kaalaman sa mga kabataang Ayta Magbukun sa Abucay, Bataan. Ang marubdob niyang hangarin na ang kanilang tradisyon ay pagyamanin, tunay ngang masasalamin sa mga likha niyang tula at awitin. Nagpupunla siya ng binhi ng karunungan taglay ang pag-asang muling uusbong ang kanilang kultura na pinagyaman ng kanilang mga ninuno. At bagaman nagkakaroon ng pagbabago sa paraan ng kanilang pamumuhay dulot ng modernisasyon, si Nanay Becca at ang mga matatanda sa kanilang pamayanan ay nagsisikap na mapanatili ang mabubuti nilang gawi na maipagmamalaki ng kanilang lahi.
Sa tuwing itatapak ko ang aking mga paa sa kanilang lugar, para akong isang batang paslit na laging sabik sa mga kwentong aking maririnig. Bagaman may mga pagkakataon na hindi ko naiintindihan ang kanilang salita, matiyaga nilang ipapaliwanag ang kahulugan ng kanilang tinuran. Sa ilang panahon ng pagpunta ko roon, nakadarama ako ng kakaibang saya. Naisip ko na ang simpleng pamumuhay ay tunay ngang biyaya. Sabi nga ni Nanay Becca, “Ang tao ay bahagi ng kalikasan kaya lagi naming ipinagpapasalamat ang mga biyayang kaloob nito.”
Ang mga sinasabi sa akin ni Nanay Becca ay itinuturing kong mga gintong aral sa aking buhay. Tunay ngang ang pagkatuto ng bawat tao ay hindi lamang mararanasan sa apat na sulok ng silid-aralan. Kung minsan, ang simpleng pakikipag-usap sa mga taong may malalim na pag-unawa sa tunay na kahulugan ng mundo ay makatutulong sa paghubog ng ating pagkatao.
Kaya naman para sa akin, si Nanay Becca ay isang guro. Isa siyang katutubong guro hindi dahil sa pisikal na anyo kundi dahil sa likas na talino at talentong buong-puso niyang ibinabahagi sa mga tao. Para sa kanya, anumang edad, kasarian, o katayuan sa buhay, basta naghahangad na matuto, bukas ang kanyang tahanan sa mga katulad kong nais makabatid ng kanilang kulturang kinagisnan.