“GURO, PAANO NGA BA ANG IYONG BUKAS AT ANG HINAHARAP?”
BY: Sammy Y. Sabello
Teacher II, City of Balanga National High School
Date posted: September 13, 2019Sa bawat pagbangon na ginagawa ng guro sa umaga, panahon ang inilalaan nila sa eskwela. Sa bawat kapeng iniinom ay may tapang na haharapin ang katotohanang hindi sila magtatagal sa serbisyo. Sa bawat buklat ng libro ang mga alaalang puwede nilang baunin kapag sila’y nakatungkod na. Ano nga ba ang kinabukasan naghihintay? Paano nga ba ang buhay nila kapag ang libro ay naluma na, kapag ang mag-aaral na kanilang minsang tinuruan ay siya nang pumagaspas upang ilapat ang natutunan nila? Paano naman sila? Silang naiiwan sa eskuwelahan at dinaanan ng panahon. Habang ang mga mag-aaral ay patuloy na iniiba ng panahon? Paano ang kinabukasan ng mga taong humubog upang maiangat ang kinabukasan?
Sa samu’t saring programa na ibinibigay ng gobyerno para sa mga kaguruan, ano nga ba ang tunay na suporta ang kailangan nila? Sino nga bang nakakasiguro na sa bawat pension na makukuha nila ay parehong ligaya din ang dulot noong sila’y malalakas pa. Walang ibang makapaglalarawan ng hirap na kanilang pinagdaanan kundi mismong nakaranas nito. Na sa bawat piraso ng yeso na kanilang nauupod ay piraso din ng panahon ng kanilang buhay na kanilang inuubos. Sa bawat buklat ng pahina na kanilang itinuro ay ang alaala na kanila ding mababaon. Sa bawat pagod sa halos buong araw na pagtayo ay ang humihinang buto at nangangalay na baywang. Sa bawat ngiti tuwing araw ng sahod ay siya ring lungkot at pangamba kung kakasya ba ito para suportahan ang buong pamilya. Ito ang mga bagay na nakatago sa larawan ng buhay ng bawat guro. Sa laki ng ngiti nila na isinasalubong sa umaga, naitanong ba natin kung kamusta sila? Sa bawat siglang dala nila sa silid-aralan, naisip ba natin kung napapagod na ba sila?
Walang kahit na sino ang maaaring makapagdetalye kung ano ang pinagdadaanan nila at paano sila naghahanda sa kinabukasan, kundi sila mismo ang nakararanas. Hindi natin maaaring sabihin na sigurado na sila dahil sa kabi-kabilang programa ng gobyerno para sa kanila. Kahit gaano itinaas ang kikitain nila, kung mismong panahon ang uubos sa kanila ay walang nakakaalam. Paano nga ba namuhunan? Ang kanilang kalakasan, panahon at kaalaman na sa bawat pagtatapos ng termino at serbisyo ay alaala na lamang ang baon?
Sa dami ng mga estudyanteng dadaanan sa iyong buhay-pagtuturo, paano mo kaya nababalanse ang buhay? Paano nga ba ang iyong sariling buhay at pamilya sa tuwing lalabas ka ng iyong bahay upang gampanan ang isa pang napiling propesyon. Guro, sa iyong magiting na pag-aalay ng serbisyo at talino naniniwala ang lahat na hindi lamang palakpak ang para sa iyo. Hindi lamang dapat nakaukit na pangalan ang kapalit nito kundi walang katapusang suporta na dapat sa iyo. Guro, ikaw ay higit pa sa isang propesyon. Walang katumbas ang iyong tungkulin hindi lang upang humubog ng isipan. Higit ka pa sa isang kandilang nauubos habang nagbibigay liwanag sa mga umaasa sa iyo sa loob at labas ng paaralan.