Disiplina ng Pagmamahal
Francis D. Labansa,
Administrative assistant iii
Kadalasan ang napapanood sa tv o nadidinig sa mga kuwento ng ibang tao ang salitang “bullying”. Naaawa tayo sa mga kabataan na nagiging biktima ng bullying lalo na ang mga mag-aaral sa mga paaralan. Sa mga ganitong sitwasyon maaaring ang mga kabataan na nangbu-bully ay biktima din sila ng kanilang sariling tahanan o kapaligiran na nakalakihan.
Base sa ibang mga nababasang artikulo hinggil sa mga taong nakakagawa ng krimen, ang mga ito ay nakaranas ng hindi maganda nang sila’y bata pa at naging masama ang epekto nito sa kanilang kaisipan at kalimitan ay nauuwi sa pagiging madahas.
Ang mga kabataan o mag-aaral na gumagawa ng pambu-bully ay marahil namulat sa mga hindi magandang sitwasyon lalo na sa kanilang tahanan o sa sariling kamag-anak.May mga mag-aaral na kulang sa pagmamahal o pag-aaruga ng magulang kung kaya sa ibang tao o sa nakakasalamuha nila ginagawa ang bagay na di dapat gawin.
Marahil sa ganitong sitwasyon dapat iparamdam ang disiplina na may kaakibat na umaapaw na pagmamahal . Sa ganitong paraan maaaring suklian ng mga bata ang kanilang magulang,kamag-anak ,kaibigan at kamag-aral nang parehong damdamin.
Ang mga guro at mga empleyado ng Kagawaran ng Edukasyon ay isa sa mga taong may responsibilidad na dapat mag-aruga,magdisiplina at magpakita ng paglingap sa mga mag-aaral upang maramdaman nila, na ang pangalawang tahanan nila at tinuturing na pangalawang magulang ang siyang lilingap at magpaparamdam ng pagmamahal na umaapaw .