Misyon

Post date: Sep 15, 2017 6:56:26 AM

Ni: Sheila M. Corpuz

Teacher III MRMES

Pagod, gutom at hilo ang aking nararamdaman sa tuwing ako ay nagbibiyahe patungong Manila upang dumalo sa isang interview, nagbabakasakali na masuwertihan ko na ang makapagturo sa ibang bansa. Maraming beses na akong sumubok pero madalas na hindi maganda ang kinakahinatnan. Alin lamang sa dalawa, hindi ko nagustuhan ang mababang sahod na alok ng employer o hindi ako nakapasa sa mga qualifications nila. Bakit gusto kong umalis ng Pilipinas? Para mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking anak.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na maliit lamang ang sahod ng isang guro, kadalasan nga ay baon sa utang at isa na ako roon. Laging bilin ng aking ina hindi ang pangingibang bansa ang sagot para mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking anak. Batid pa niya na aanhin ko ang maraming pera kung pagbalik ko dito ay sira na aking pamilya. Binabalewala ko iyon, ang naiisip ko lang kailangan kong maging praktikal, sa hirap ng buhay lalo na ngayong walang trabaho ang aking asawa at lumalaki na ang gastusin sa bahay. Sa bawat pagluwas ko ilang patak din ng luha ang nailalabas ko, kinakausap ko ang Diyos bakit? Ano ang dahilan niya? para bang ayaw niya akong mangibang bansa. Pero sabi ko sa aking sarili hindi ako titigil hangga’t hindi ako nakakakita ng magandang oportunidad. Sa aking pagmumuni-muni, Nabatid ko na sa isang bata pala ang makakasagot nang aking katanungan.

Si Adrian, ang estudyante ko na nasa ika-anim na baitang. Katulad din siya ng ibang bata masayahin, mabait at matulungin. Ano ang pinagkaiba niya sa ibang bata? Sa edad na labindalawa hindi pa rin siya makabasa. Lungkot at awa ang naramdaman ko para sa kaniya noong nakita ko ang resulta ng pagpapabasa na ginawa ng aming mga supervisor noong Hulyo taong 2016. Sabi ko sa aking sarili, kailangan kong gumawa ng paraan para siya ay matulungan. Sa simula pa lamang ng klase si Adrian ay nakaupo na sa aking tabi, wala siyang ibang ginagawa kundi ang bumasa mula sa ABKD hanggang sa pagbabaybay ng mga salita. Sumabak muli sa pagpapabasa si Adrian nitong Marso, nakakalungkot dahil mula sa NR (non-reader) siya ay nasa Syllabic lamang. Lahat ng pamamaraan para siya ay matutong bumasa ay ginawa ko sa loob ng siyam na buwan ngunit hindi pa pala iyon sapat. Nangamba ako para sa kaniya dahil alam kong maaari siyang hindi makapagtapos. Pumasok kami sa silid aralan ni Adrian matapos akong kausapin ng aming punongguro. Nangingilid ang luha sa mata ni Adrian habang sinasabi niya sa akin, “Ma’am gusto ko pong makapagtapos kahit po mag summer ako basta kayo po ang magtuturo sa akin”. Ang nasabi ko lamang ay “Oo magtatapos ka”. Hindi ko na napigil ang aking damdamin, lumabas ako ng silid aralan at pinahiran ang aking luha. Binabalak ko pa sana noong bakasyon ay pupunta ako ng Singapore upang doon na humanap ng trabaho ngunit nabago ang lahat ng aking balak. Naisip ko na kailangan kong mag summer reading para kay Adrian. Hindi ako mapakali at naglakas loob akong kausapin ang lahat ng mga supervisor upang maipahayag ko ang aking saloobin para kay Adrian. Ipinabatid ko na kung hindi siya maibibilang sa mga magsisipagtapos ngayong taon na ito, paano na ang kaniyang kinabukasan? Malamang mawalan na siya ng gana sa pag-aaral at tuluyan ng huminto. Mabigat sa aking loob na ang isang bata ay nawalan ng pag-asa sa buhay dahil lamang sa siya ay hindi makabasa. Pagkatapos na marinig na ng lahat ang aking saloobin, ipinaliwanag na mabuti sa akin ang mga paraan paano ko muling matutulungan si Adrian. At dumating nga ang araw na kung saan ang lahat ng bata sa ika-anim na baitang ay maluwalhating tinanggap ang kanilang diploma at kasama roon si Adrian. Masaya ako na nakapagtapos siya ngunit, alam ko na hindi doon natatapos ang aking tungkulin para sa kaniya. Kailangan naming ipagpatuloy ang pagsasanay sa pagbabasa hanggang sa makatuntong siya ng highschool.

Nito ko lamang napagnilaynilayan na bakit hindi ako pinahintulutan ng Diyos na mangibang bansa at dahil iyon kay Adrian. Marahil may misyon pa ako sa kaniya, kailangan ko pa siyang tulungan at turuang bumasa. Hindi pa tapos ang misyon ko bilang guro dito sa Pilipinas. Naniniwala ako na marami pang bata na gaya ni Adrian. Minsan sa buhay natin akala natin sapat na ang makapagturo at may matutunan sa atin ang mga estudyante hindi pala. Minsan dumarating ang pagkakataon na tayo ang may matututunan sa kanila. Salamat kay Adrian dahil pinaalala niyang muli ang tunay na kahulugan ng pagiging guro ko. Ngayon ko na lang ulit naisip na lahat ng bagay ay ipagkakaloob ng Diyos sa atin sa tamang panahon, tamang paraan at kung naaayon sa kaniyang kagustuhan.