Buwis Buhay, Para sa Bata!
ni: Galilee S. Atienza
TII - COBNHS, Date Posted: 10/22/2018Bakit? Paano? Kailangan ba talaga? Ilan lamang yan sa mga katanungan na pumasok sa aking kaisipan. Bakit nga ba kailangan magbuwis buhay?
Minsan napanood ko ang segment ng “Kapuso Mo, Jessica Soho!, at may pamagat na “Buwis Buhay”, agad napukaw ang aking atensyon at naging interesado ako na ito ay tutukan. Ang unang pumasok sa aking isipan ay bakit “Buwis Buhay” ang pamagat nito? At nagsimula na nga ang palabas, ito ay labis kong tinutukan at sa kalaunan doon ko lubos na naunawaan kung bakit ganoon ang pamagat.
Pagkatapos ng aking panonood, di ko mawari ang dapat kong maramdaman. Doon na nga isa-isang pumasok sa aking isipan ang mga katanungan at sa di inaasahang pagkakataon ay may konting kirot sa aking puso akong naramdaman. Pinagsamang kaligayahan at kalungkutan ang pawa aking naramdaman.
Nilalakad ang napakalayong distansya ng paaralan na di-alintana ang mga posibilidad ng panganib sa daan. Tinatawid ang galit na galit na agos ng tubig sa ilog para lamang makarating sa munting paaralan na kung saan may mga inosenteng batang umaasa sa iyong paglitaw para mapunan ng ilang kaalaman ang kanilang mga kaisipan. Pilit binabaybay ang makapal na putik sa ilalim ng malakas na ulan para lamang maibahagi ang ilang kaalaman na pupuno sa kakulangan ng isipan ng mga musmos na bata na nagnanais makamit ang sinasabing edukasyon. Ilan lamang yan sa mga nararanasan ng ilang mga guro sa pagtupad ng kanilang napiling propesyon.
Balikan natin ang mga katanungang tila naghahanap ng maraming kasagutan. Bakit?Paano? Kailangan ba talaga? Una, tinutupad ng isang guro ang kanyang tungkulin dahil sa ito ang nararapat n’yang gampanan at base na din sa sinumpaang propesyon at higit sa lahat para magturo at magbahagi ng kaalaman sa mga batang naghahangad na mapunan ng impormasyon ang kanilang kaisipan. Pangalawa, nagagawa ng guro ang kanyang tungkulin sa pamamagitan ng kanilang paniniwala na maaari sila ang nag – iisang susi para magkaroon ng katuparan ang munting pangarap ng mga batang munti. Pangatlo, Oo, may mga pagkakataong dumarating sa buhay ng isang guro ang ilang mga mapanganib. Sa puntong di nila alintana na maaaring mabuwis nila ang kanilang sariling buhay. Sa kadahilanang mas maiisip mo na higit na ibinubuwis ng mga batang ito ang kanilang mismong buhay para lamang matuto at maranasan ang magkaroon ng edukasyon na maging bahagi ng kanilang buhay. Hindi nila ininda o hindi naging hadlang ang anumang uri ng panganib para sa kanilang buhay para matugunan ang pangangailangan ng kanilang kaisipan.
At sa huli, masasabi mo “at the end of the day” ginagawa ng isang ulirang guro ang lahat ng ito kasama ang oras at buong puso para sa bata. Kahit “Buwis Buhay pa ang kapalit”.